KAPAG may nangyayaring kontrobersiya o mga kapalpakan sa pamahalaan, walang ibang tinatamaan kundi si President Noynoy Aquino. Siya ang tanging tumatanggap ng hagupit at latay. Kaya kapag may tanggapan o ahensiya na pumalpak, bigwas iyon kay P-Noy. Ang nakapagtataka, hindi naman kinakastigo ng Presidente ang mga tauhan niyang nagkakamali at bagkus ay ipinagtanggol pa at nililinis ang pangalan. At dahil diyan kaya lalong napipintasan ang Presidente.
Sa nangyaring limang oras na blackout sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)-Terminal 3 noong Sabado ng gabi, muli na namang nalagay sa kontrobersiya ang pamahalaan. Umani na naman ng batikos ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na pinamumunuan ni General Manager Jose Angel Honrado. Maraming humihiling na sibakin na ni P-Noy si Honrado para mailigtas siya sa kahihiyan. Pero nagtengang kawali na ang Presidente at walang palatandaan na sisibakin si Honrado dahil sa bagong kapalpakan sa NAIA. Si Honrado ay pinsan ni P-Noy. Sabi lamang umano ni Honrado sa bagong isyu sa NAIA, “minalas sila”.
Hindi pa nalilimutan ang “tanim-bala” sa NAIA kung saan maraming balikbayan at dayuhan ang nabiktima. Pinagkakaperahan ng sindikato ang mga kawawang OFW at balikbayan at sa kabila niyon, walang ginawa ang general manager ng MIAA. Maraming batikos na tinanggap pero balewala iyon kay Honrado. Marahil, para sa kanya, “ang mainis, talo!’’
Ang hampas din sa Department of Transportation and Communication na pinamumunuan ni Sec. Joseph Emilio Abaya ay latay din kay P-Noy at sa “daang matuwid”. Nasa ilalim ni Abaya ang NAIA pero tila ba wala siyang pakialam sa mga nangyayari rito. Wala nang pakiramdam at malasakit sa mga apektadong mamamayan. Hindi lamang tungkol sa NAIA ang binabato kay Abaya kundi pati na rin ang tungkol sa depektibong MRT at ang mga plaka ng sasakyan na hanggang ngayon ay hindi madeliber.
Ang lahat nang kapalpakan nila ay hampas at lumalatay sa palakamping Presidente.