Away ng Marcos vs. Aquino lantaran na

MULING umiinit ngayon ang banggaan ng dalawang prominenteng pamilya sa larangan ng pulitika sa bansa.

Ilang dekada na rin na mahigpit na magkaribal sa pulitika ang pamilyang Marcos at Aquino.

Matapos mapatalsik sa kapangyarihan at tuluyang yumao si dating Pres. Ferdinand Marcos ay namayagpag na ang mga Aquino sa pulitika sa bansa dahil naging pangulo ang anak nina Ninoy at Cory na si Noynoy Aquino.

Papaalis na sa Malacañang si P-Noy at may pagtangka naman ang pamilya Marcos na makarating muli sa mas mataas na posisyon sa gobyerno.

Si Senador Bongbong Marcos ay kumakandidatong bise presidente, ikalawa sa pinakamataas na pinuno ng bansa at isang hakbang na lang ay maaring maging presidente at maaring makabalik sa Malacañang.

Ilang buwan na lang ang nalalabi sa termino ni P-Noy na magtatapos sa Hunyo 30 at lantaran na ang muling pagbuhay ng alitan at gantihan sa pagitan ng dalawang pamilya.

Batay sa tagamasid, nagsimula ang lantarang banat sa mga Marcos  matapos na magdesisyon si Bongbong na kumandidatong bise presidente.

Dahil dito, muling pilit na binuhay ang mga isyu laban sa mga Marcos tulad na lang ng mga biglaang auction o pagsubasta sa mga nabawing alahas.

Sumunod dito ay ang pagbuhay sa mga madilim na karanasan sa martial law at ang pinakahuli ay ang paglilibing kay yumaong Pres. Elpidio Quirino sa Libingan ng mga Bayani.

Alam naman ng lahat ang pagnanais ng pamilya Marcos na mailibing ang dating presidente sa libingan ng mga bayani  pero ito ay pinagbabawalan ng gobyerno.

Abangan kung saan hahantong pa ang matandang alitan  ng pamilya Marcos at Aquino at kung muli bang makakabalik sa mas mataas na posisyon o poder ng kapangyarihan ang mga Marcos.

Show comments