Gastos ng kandidato, talakayin sa presidential debate
NGAYON idaraos ang unang debate ng presidential candidates para sa 2016 elections na pangangasiwaan ng Comelec.
Masasaksihan ito ng sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng radyo at telebisyon bilang bahagi na rin ng kampanya ng Comelec na malaman ng mga botante ang platporma ng bawat kandidatong naghahangad na maging presidente.
Ayon sa Comelec, may opening statement ang bawat kandidato at ilang sa mga isyu na pag-uusapan sa debate ay ang mga dapat ipagpatuloy o hindi na ang mga polisiyang ipinatutupad ng kasalukuyang administrasyong Aquino.
Pero hindi dapat na makalimutan dito sa presidential debate na ilahad sa publiko kung saan galing ang gastos ng mga kandidato.
Hindi puwedeng basta sabihin na galing lang sa tulong ng mga kaibigan at mga negosyante.
Sana ay idetalye ng bawat kandidato kung sinong negosyante ang tumutulong sa pagpopondo upang malaman ng publiko kung ano ang interes ng kanyang negosyo sa mga transaksiyon sa gobyerno.
Sa ganitong paraan, mas mapapadali pa nga ang trabaho ng Comelec upang matukoy kung sinu-sino ang mga nagbigay ng donasyon sa mga pulitiko.
Dapat ibunyag ng presidential candidates kng magkano ang pondong gagastusin ng mga ito at idetalye kung paanong hindi sila lalampas sa napakagastos na kampanya sa eleksiyon.
Batay sa batas na umiiral, P10 bawat botante ang kailangang gastos ng bawat kandidatong presidente at ng partido.
Aabot sa P1 bilyon ang maaring gastusin ng isang kandidatong may partido pero inaasahan na lampas pa ang mga ginagawang paggastos ng mga kandidato. Paglabag ito sa batas.
Abangan natin kung sino ang magsasabi ng katotohanan at kung ang usaping ito ay lulutang sa debate. Bantayan din ng Bureau of Internal Revenue ang galaw ng pondo ng mga kandidato.
- Latest