‘Johnny, walang bago!’

BUGBOG sarado na itong isyu ng Mamasapano. Ilang beses nang nagka-hearing, bandang huli lumabas na tatakbo pala ang dumidinig dito bilang bise Presidente at ang isa bilang Presidente.

Habang nangyayari ang lahat ng ito si Senator Juan “Johnny” Ponce Enrile ay nakakulong sa Camp Crame para sa kasong Plunder.

Nang siya’y makapagpiyansa hiniling niya na buksan uli ang Mamasapano dahil hindi daw siya nakasali sa diskusyon. Pinagbigyan naman siya ng Chairman na si Sen. Grace Poe kaya’t ito ang dahilan  kung bakit ipinatawag muli ang mga taong nakaladkad sa usaping ito.

“May galit lang sa ‘kin yan!” sigaw ni PNoy.

Panibagong ebidensya daw ang ilalatag ni Sen. Enrile kaya’t gusto niyang pabuksan ang pagdinig.

May hawak daw siyang matibay na ebidensya na magsasabing si Presidente Benigno “Ninoy” Aquino III ay may direktang kaalaman tungkol sa naging operasyon. At ito dapat ang sisihin sa pagkakapaslang sa ilang miyembro ng SAF.

Nung simulan ang pagdinig dito hindi natin malaman kung saan kukuha ng impormasyon dahil tumatanggi sila na may alam sila sa nangyaring insidente.

Bawat panig nagkaroon ng kanya-kanyang imbestigasyon at pinagtuunan din ito ng pansin ng pamahalaan para lumutang ang tunay na nangyari sa Mamasapano.

Ilang buhay ang nawala dahil sa operasyong ito. Kabilang ang 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF). May mga nadamay ding sibilyan at may namatay na kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ang pinaka-target nila dito ay matugis ang pinaka-wanted sa Pilipinas at Estados Unidos na si Zul-kifli bin Hir o Marwan. Ang isang Malaysian Terrorist na nagpasabog sa iba’t-ibang lugar sa mundo.

Sa dulo ng operasyon napatay si Marwan ngunit kaakibat nito ay ang pagkamatay din ng ilang taong hindi dapat nadamay dito.

Sa muling pagbubukas ng pagdinig ng Senado tungkol dito walang nailatag na bagong ebidensya si Sen. Enrile upang mabago ang naunang desisyon.

Kung ano ang napag-usapan at naging desisyon nung nakaraan ay hindi na babaguhin. Kulang daw ang nakarating na impormasyon sa Pangulo. Malaki din daw ang pagkukulang ng mga operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa pakikipag-ugnayan nito. Maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Sa tingin ko wala namang naiibang maaaring magpabago pa sa Committee Report natin sa puntong ito,” ayon kay Sen. Grace Poe.

Nadismaya ang publiko sa kinalabasan ng naging pagdinig dahil wala naman palang bagong maiihain si Sen. Enrile. Nasayang lang ang panahon at pera ng taong bayan dahil sa muling pagbubukas nito.

Hinamon pa ni Sen. Enrile sa isang debate ang Pangulo at sa harap ng bayan talakayin ang tungkol sa usaping ito.

Kung hindi naman papayag ang pangulo ay handa daw siyang harapin ang kahit na sino sa gabinete nito.

Hindi ito pinaunlakan ni PNoy at kung sakali man na pumayag ang Pangulo sa kagustuhang ito ni Sen. Enrile may sapat ba siyang ebidensya na maiihain para mapatunayan ang lahat ng kanyang akusasyon?

Ang salita ay hindi sapat, kailangan ng matibay na ebidensya upang may pagbasehan ang lahat ng akusasyon ng isang tao laban sa iba.

PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Itong mga nakaraang araw nagkaproblema ang aming hotline pero ngayon ay gumagana na ulit ito kaya maaari niyo kaming tawagan 24/7 sa 710.36.18.

 

Show comments