NAUUSO na ang paggamit ng mga drones sa Netherlands kaya naman nakaisip ang mga pulis doon ng isang kakaibang solusyon sa problema ng drones na sagabal sa mga sasakyang panghimpapawid.
Delikado ang pagkakaroon ng mga maraming drones sa himpapawid dahil sa panganib na dulot nito sa mga lumilipad na eroplano at helicopter. Bukod sa puwede silang maging sanhi ng mga pagbagsak ng mga ito ay maari rin silang ma-ging sagabal sa mga sitwasyong may emergency na nanga-ngailangan ng paglipad ng mga sasakyang panghimpapawid.
Mahirap mahuli ang kumokontrol sa mga drones dahil kadalasan ay tago ang kanilang mga lokasyon kaya naisipan ng mga pulis na ang mga lumilipad na drones na mismo ang hulihin sa pamamagitan ng mga agilang sinanay para sa kakaibang trabaho na ito.
Sa tulong ng kompanyang “Guard From Above” ay sinasanay na ngayon ng mga pulis sa Netherlands ang mga agilang dadagit sa illegal na drones na nasa himpapawid.
Napili ng mga pulis ang mga agila bilang mga tagahuli ng mga illegal na drones dahil sanay ang mga itong manghuli ng mga kapwa nilang ibong nasa ere. Malalakas din ang kapit ng mga kuko ng isang agila kaya walang panganib na mahuhulog mula sa kanilang mga kuko ang drones na kanilang mahuhuli.
Sa kabila ng kanilang mga ginagawang pagsasanay ay hindi pa rin isinasantabi ng mga pulis sa Netherlands ang ibang mas high-tech na solution sa problema ng mga illegal na drones katulad ng pagha-hack sa kontrol ng mga ito. Maari kasing maging problema para sa mga agila ang mga malala-king drones na maaring makapinsala sa mga hita o kuko ng mga agilang huhuli sa kanila.