NAGPASYA ang Senate sub-committee on public services na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe na kasuhan ng graft si DOTC secretary Joseph Emilio Abaya dahil sa kapalpakan umano sa MRT 3.
Lumitaw kasi sa imbestigasyon ng Senado na napakara-ming kapalpakan at pagkukulang si Abaya kaya naman ma-tinding parusa ang inabot ng mga publiko na tumatangkilik ng MRT 3.
Sakaling mapagtibay at malagdaan ng mga senador ang committee report ay agad na irerekomenda sa tanggapan ng Ombudsman na imbestigahan at makasuhan si Abaya ng katiwalian.
Para sa akin, kasong plunder dapat ang isampang kaso kay Abaya dahil lampas sa P50 milyon ang kontrata na pinasok nito sa MRT 3 at iba pang proyekto sa mga ahensiyang nasasakupan nito.
Halos lahat na lang ng ahensiya ng nakapailalim sa DOTC ay may kuwestiyon ng anomalya at kapalpakan.
Sa Land Transportation Office ay malaking kapalpakan ang napakaagang paniningil sa motorista sa plaka ng sasakyan pero wala namang maibigay ng plaka gayundin ang problema sa driver’s license.
Sa mga paliparan at pantalan na sakop din ni Abaya ay napakaraming kontrobersiya rin sa mga proyekto na milyun-milyon din ang sangkot na halaga.
Masyadong mahina ang kasong inirerekomenda ng Senado na isampa laban kay Abaya.
Sana, masampolan si Abaya bilang miyembro ng Gabinete at mataas na opisyal ng administration party na Liberal Party na makasuhan ng plunder.
Wala kasing piyansa ang kasong ito at asahan na mawawala ang paghihimutok ng publiko sa DOTC kung makikita nilang naghihimas ng malamig na rehas si Abaya.