Sa darating na Martes (Pebrero 9), ratsada na ang kampanya ng mga kandidatong tatakbo sa ibat-ibang posisyon sa halalan sa Mayo.
Sa araw ding ito, magsisimula na rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na baklasin ang lahat ng illegal posters at campaign materials sa mga lugar na hindi itinalaga ng Commission on Election sa buong Kalakhang Maynila.
Labingdalawang team ang binuo ng ahensya para i-deploy sa buong Metro Manila.
Malaking hamon ito sa MMDA, kung paano nila ito ipapatupad.
Kasi nga ngayon pa lamang na hindi pa panahon ng kampanya sangkaterba ng posters at mga streamers ng mga kandidato ang masusumpungang nagkalat na sa mga lansangan sa Metro Manila.
Ayon sa Comelec hindi pa maituturing daw na may paglabag ang mga ito, dahil hindi pa naman panahon ng kampanya.
Kaya nga sa Martes sa simula ng campaign period dito na magkakaalaman kung mahigpit na maipapatupad ang mga patakaran sa campaign.
Kabilang nga dito ang angkop na laki ng mga posters at streamers at mga lugar na dapat lamang nilang paglagayan.
Ayon din sa MMDA, una nilang pagbababaklasin ang mga posters na nakalagay sa mga puno, poste, traffic lights , kable, mga bakod at waiting sheds.
Maging sa mga tanggapan ng gobyerno, aba’y dapat din itong mabantayan.
Gayunman, nakasaad sa Republic Act 9006 or the Fair Election Act, na maaaring maglagay ang isang kandidato ng kanyang poster o campaign materials sa mga pribadong lugar na may pahintulot ang may-ari nito.
Nagbabala rin ang Comelec sa mga kandidato maging sa kanilang mga supporters na mairereklamo sa kanilang tanggapan ay agad nilang aaksiyunan.
Kailangan talaga may ngipin ang mga tanggapang ito na ipatupad ang mga patakaran sa halalan na walang exemption at anuman ang kinaanibang partido o political affliation.
Dito nakabantay ang taumbayan hanggang sa matapos ang halalan.