NAGHINGALO na at tuluyan nang namatay sa 16th Congress ang Freedom of Information (FOI) Bill na matagal nang nakabinbin sa House of Representatives. Hindi nagkaroon ng katuparan ang mga pinangako noon ni President Aquino na susuportahan niya ang FOI Bill at agad itong pi-pirmahan. Limang buwan na lamang sa puwesto si Aquino at wala na nga siyang gagawin para sa kapakanan ng mamamayan. Kung alin pa ang panukalang batas na dapat ay inuna niyang lagdaan, ito pa ang naisantabi at maaaring mamatay na nga sa mga susunod pang administrasyon. Maliban na lamang kung ang susunod na Presidente ay mayroon pang pagmamalasakit sa kapakanan ng mamamayan lalo na ang paglaban sa katiwalian at ang tungkol sa pagiging transparency. Isang presidentiable pa lamang ang naghahayag na pabor siya sa FOI sakali’t siya ang mahalal na sunod na pinuno. Sabagay hindi rin naman ito dapat panghawakan sapagkat matulad din kay P-Noy na nangako nang suporta sa FOI Bill pero biglang nagbago ng pa-nanaw. Kung mananalo ang nangako ng FOI Bill at tuparin ito sa kanyang panunungkulan, nasa tama at mabuting landas ang bansang ito. Hindi niya sasakyan ang sinasabing “tuwid na daan” kuno.
Mahalaga ang FOI Bill sapagkat magkakaroon ng kapangyarihan ang mamamayan na malaman at mabusisisi ang ginagawa ng mga pinuno ng bayan. Mababantayan ang mga lulustay sa pondo ng bayan.
Ayon sa Sec. 28 Article II at Sec. 7 Article III ng 1987 Constitution, may karapatan ang mamamayan na malaman ang mga transaksiyong ginagawa ng pamahalaan. Karapatang mabatid ang lahat ng polisiya, proyekto at mga programa ng gobyerno kung saan sangkot ang pera ng taumbayan. Bilang taxpayers, dapat mabatid at malinawan ng mamamayan kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad.
Mahalaga ang FOI Bill. Aywan nga ba kung bakit ayaw itong ipasa.