Sir Juan (110)

BINILISAN ni Mahinhin  ang paglalakad. Malayu-layo pa ang terminal ng jeepney. Hindi siya lumili-ngon. Malakas ang kanyang pakiramdam na dalawang tao ang nasa likuran niya. Baka kaya mga holdaper? Sino ba ang susunod sa kanya kundi mga masasamang loob na gaya ng holdaper at snatcher?

Binilisan pa niya ang pag­lalakad para makalayo sa mga nasa likuran niya. Kung hoholdapin siya, sisigaw siya. Siguro naman ay matatakot ang mga holdaper kapag nagsisigaw siya. Pero paano kung may baril ang mga ito? Baka kapag nagsisigaw siya, bigla siyang barilin. Bahala na!

Hanggang makarating siya sa terminal. Tamang-tama, pagdating niya ay isang pasahero na lang ang kulang. Pagsakay niya, umalis agad ang jeepney. Kahit malayo na ang jeepney ay hindi pa rin siya lumilingon. Malakas pa rin ang kaba niya. Sino kaya ang mga iyon?

Pero hindi pa tapos ang problema niya dahil pagbaba niya ng jeepney ay maglala­kad pa siya ng kaunti para makarating sa boarding house. Makipot na eskinita ang dadaanan niya.

Nang makarating ang jeep­ney, mabilis na bumaba si Mahinhin. Hindi pa rin siya lumilingon. Tuluy-tuloy lang siya. Mabuti at maliwanag sa eskinita. Kahit paano madali niyang makikita kung sino  man ang sumusunod sa kanya.

Nakarating siya sa boarding house. Itinulak niya ang pinto ng gate na bakal at saka isinara. Nang nasa loob na siya, saka lamang tiningnan ang pinanggalingan. Wala siyang nakitang tao. Ganunman, kina-kabahan pa rin siya. Malakas ang kutob niya, mayroong masamang balak sa kanya ang mga taong sumusunod sa kanya.

Pumasok siya sa loob ng boarding house.

Hanggang makita siya ni Sir Juan.

“O, bakit nagmamadali at tila hindi ka mapakali? May problema ba, Mahinhin?’’

“May mga tao pong sumusunod sa akin, Sir Juan?’’

“Ha? Nasaan?’’

“Kanina po paglabas ko ng school, naramdaman kong dalawang tao ang nasa likuran ko at sinundan ako habang patungo sa jeepney terminal.’’

“Nakita mo ba? Anong itsura?’’

“Hindi ko po nakita pero sigurado ako na dalawa sila.’’

“Maski nang patungo ka na rito sa boarding house, sinusundan ka pa rin?’’

“Hindi ko po nakita kasi, takot akong lumingon.’’

Nag-isip si Sir Juan.

‘‘Uso ang kidnapan ngayon ng mga kolehiyala, nabasa ko sa diyaryo. Hindi kaya ikaw ang target.’’

Napaiyak si Mahinhin.

(Itutuloy)

Show comments