Mga bonsai na lumulutang sa ere, ipagbebenta sa Japan
ISANG kompanya sa Japan ang malapit nang magbenta sa publiko ng mga bonsai na lumulutang sa ere.
Kung palarin na magkaroon sila ng sapat na puhunan, plano ng Japanese na Honshuchin na pasikatin ang kanilang “Air Bonsai” at pausuhin ang pagdi-display nito sa bawat tahanan.
Lumulutang ang kanilang mga Air Bonsai sa pamamagitan ng mga magnet. Binubuo ang bawat Air Bonsai ng dalawang bahagi. Ang isa sa mga ito ay ang tumpok ng lupa at lumot na nagtataglay ng magnet at kung saan itinatanim ang maliit na puno.
Ang pangalawang bahagi naman ay binubuo ng porselana at ng isa pang magnet na kontrapelo sa magnet na nasa unang bahagi. Dahil magka-kontrapelo ay pilit na maghihiwalay ang dalawang magnet kaya lumulutang ang bonsai.
Para matamnan ng bonsai ang kumpol ng lumot at lupa ay kailangan lamang itong lagyan ng maliit na butas kung saan ibabaon ang patutubuing bonsai.
Hindi pa sigurado kung kailan maipagbebenta ng Honshuchin ang kanilang mga lumulutang na bonsai dahil na-ngangalap pa sila ng mga mamumuhunan sa Internet. Kaya ang tanging paraan lang para sa mga gustong magka-Air Bonsai ay ang pamumuhunan sa kompanya.
Binibigyan kasi ng kompanya ang mga taong namumuhunan sa kanila ng halagang $200 (humigit-kumulang P10,000) ng isang Air Bonsai bilang pasasalamat.
- Latest