EDITORYAL - Marami pa rin ang walang kubeta
HINDI na nakapagtataka kung bakit marami pa ring Pilipino ang tinatamaan ng sakit sa kasalukuyan lalo na ang mga sakit na nakukuha sa iniinom na tubig --- maraming nagkaka-diarrhea, cholera, tipus at iba pang sakit. Karaniwang mga bata ang tinatamaan ng mga sakit na nabanggit. Ang kawalan ng kubeta (comfort room) ang dahilan kung bakit kumakalat ang sakit. Ang mga duming nakakalat kung saan-saan ay humahalo sa inuming tubig at ito ang nagbibigay ng sakit.
Ayon sa Department of Health (DOH), 26 percent ng population ang wala pa ring sariling kubeta. Sa kabila umano na mayroon nang malinis na tubig na dumadaloy sa bawat bahay, hindi pa rin pinahahalagahan ng mamamayan ang pagkakaroon ng sariling kubeta. Salat pa rin sa kaalaman na mahalaga ang kubeta sa pamayanan. Karamihan sa mga nasa rural areas o probinsiya ang walang kubeta. Ayon sa report, ang mga probinsiyang walang kubeta ang mamamayan ay ang Masbate, Negros Occidental, Maguindanao, Tawi-Tawi at iba pang probinsiya sa Luzon.
Maski sa Metro Manila ay marami pa ring walang kubeta. Sa Maynila, binanggit sa report na ang mga residente sa Isla Puting Bato, Baseco sa Tondo at ganundin sa Quiapo at mga lugar na nasa gilid ng estero at Pasig River ay walang sariling kubeta. Kung saan-saan na lamang dumudumi umano ang mga residente sa nabanggit na lugar.
Sinabi naman ng DOH na nagpapatuloy sila sa pagmumulat sa mamamayan nang kahalagahan nang pagkakaroon ng kubeta. Ayon pa sa DOH, mayroon nang 11 bayan sa bansa na naka-achive ng ‘‘zero open defecation’’sa ilalim ng kanilang Zero Open Defecation Program.
Sana, paigtingin pa ng DOH ang kampanya sa mamamayan sa pagkakaroon ng kubeta para maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit. Imulat ang mamamayan sa kahalagahan ng kubeta.
- Latest