MAY virus na kumakalat sa buong mundo. Ito ang Zika virus na galing sa lamok na Aedes aegypti, na nagdadala rin ng dengue virus.
Hawig ang sintomas ng Zika virus sa dengue. Pagkatapos makagat ang pasyente ng lamok na may Zika virus, posibleng magkaroon siya ng lagnat, pananakit ng ulo, at pantal sa katawan. Minsan, namumula rin ang mata at sumasakit ang kasu-kasuan.
Ang isang paraan sa pagkalat ng Zika virus ay kapag nakagat ang isang pasyenteng may sakit, puwedeng makuha ng lamok ang Zika virus mula sa pasyente. Dahil dito, magdadala na ang nasabing lamok ng Zika virus.
Peligro sa buntis at nabubuong sanggol:
Sa 80% ng pasyente, gumagaling sila agad sa Zika virus. Ngunit ang kakaiba sa Zika virus ay naaapektuhan nito ang sanggol sa sinapupunan. Nagiging abnormal ang sanggol kapag pinanganak, tulad ng pagliit ng ulo (microcephaly) at posibleng pagkamatay.
Nakaaalarma ang datos sa Brazil dahil libu-libo na ang mga sanggol na ipinapanganak na maliit ang ulo. Dati-rati ay 146 lang ang kaso nitong microcephaly sa loob ng isang taon.
Kapag kumalat ang Zika virus sa buong mundo, posibleng dumami ang mga batang mapapanganak na maliit ang ulo at maagang namamatay.
Sa ngayon, wala pang bakuna o gamot laban sa Zika virus. Kaya kailangan nating malaman ang paraan ng pag-iwas nito.
Heto ang aking payo:
1. Sa mga buntis o balak magbuntis, huwag munang maglakbay sa mga bansa na may Zika virus, tulad ng Latin America, Mexico at America.
2. Sa Brazil, pinapayuhan ang mga babae na huwag munang magbuntis ng 2 taon hanggang makontrol ang sakit.
3. Kung pupunta kayo sa mga bansang ito, gawin ang lahat para hindi makagat ng lamok.
4. Magsuot ng mahabang pantalon at baro. Piliin ang makapal na baro na hindi aabot ang kagat ng lamok.
5. Maglagay ng lotion laban sa lamok (tulad ng Off Lotion).
6. Matulog sa kuwartong may screen. Isara ang bintana at pintuan.
7. Gumamit ng kulambo.
8. Kadalasan ay sa araw nangangagat ang lamok na Aedes aegypti.