Sir Juan (106)

WALANG ibang gagawa nito kundi si Nectar. Sure ako,” sabi ni Sir Juan habang hawak ang mga laruang ahas, gagamba at daga na natagpuan sa drawer ni Mahinhin.

“Matindi talaga ang galit niya sa akin, Sir Juan.’’

“Oo. Lalo pang tumindi nang makitang naghahalikan tayo. Talagang nag-aapoy ang dibdib sa galit sa iyo.’’

“Saan po kaya siya kumuha ng mga laruang ‘yan, Sir Juan?’’

“Marami nito sa Divisoria.’’

“Gumastos po talaga siya para lamang ako takutin. Paano kaya niya nalaman na takot ako sa gagamba at daga?’’

“Oo nga ano? At saka paano niya nailagay sa drawer gayung sarado ang kuwarto.’’

“Kung minsan po naiiwan ko ang kuwartong ito na bukas ang pinto. Hindi ko naman po akalain na gagawin niya ito.’’

“Huwag mo nang iiwan na bukas at baka tunay na daga, ahas at gagamba ang ilagay niya.’’

“Naku po, baka mamatay ako sa takot.’’

“Puwede niyang gawin iyon para ka mapaalis dito sa bahay. Siyempre aakalain niya na maiinis ka. At pag nainis ka, aalis ka.’’

“Oo nga po. Pero hindi naman ako aalis, Sir Juan. Kahit pa buwaya ang ilagay niya sa drawer, hindi ako aalis.’’

Nagtawa si Sir Juan sa sinabing buwaya ni Mahinhin.

“Talagang hindi ka aalis dito?’’

“Hindi po. Kasi’y alam kong may tutulong sa akin. Hindi mo ako pababayaan, Sir Juan.’’

“Tama ka d’yan, Mahinhin. At kung meron mang dapat umalis dito e walang iba kundi siya.’’

“Pero paano po siya aalis gayung patuloy pa rin akong tinatakot.”

“Huwag kang mainip at baka isang araw, umalis na siya.’’

Napahinga si Mahinhin.

Nagsalita si Sir Juan.

“Bukas, maghalikan uli tayo. Ipakita uli natin kay Mahinhin na nagmamahalan tayo. Yun bang sweet na sweet.’’

“Anong oras po natin gagawin?”

“Sa umaga.’’

“Sige po.’’

“Pero drama lang ito, Mahinhin. Baka isipin mo totoo.’’

“Opo.”

“Salamat Mahinhin.’’

(Itutuloy)

 

Show comments