Sir Juan (105)

“ANONG nangyari Mahinhin? Bakit ka sumigaw?’’ Tanong ni Sir Juan nang nasa room na ni Mahinhin.

Hindi makapagsalita si Mahinhin pero itinuturo ang nakabukas na drawer. Parang may nakita sa loob ng drawer si Mahinhin na ikinatakot nito. Sobrang gulat nito sa hindi inaasahang nakita.

“May nakita ka sa loob ng drawer? Ano ‘yun?’’

Hindi pa rin makasagot si Mahinhin kaya si Sir Juan na ang lumapit sa drawer para tingnan kung ano ang nakita roon ni Mahinhin.

Sinilip ni Sir Juan ang loob ng drawer. Wala naman siyang makita.

“Wala naman akong makita na kagulat-gulat, Mahinhin. Ano ba ang nakita mo at gulat na gulat ka?’’

Sa wakas ay nakapagsalita rin si Mahinhin. Nawala na ang pagkagulat at pagkabigla.

“Meron po Sir Juan! Tingnan mo po sa dakong loob. Meron po akong nakita! Nakakatakot!’’

Muling sinilip ni Sir Juan. Hinatak pa palabas ang dra­wer.

At nakita niya ang mga kinatatakutan ni Mahinhin --- ahas, daga at gagamba!

Pero mga plastic iyon. Nabibili sa sidewalk sa Recto.

Dinampot nya ang mga iyon. Mahaba ang ahas. Mukhang ahas talaga. Ganundin ang daga na kung hindi titingnang mabuti ay mapagkakamalang totoo talaga. Ang gagamba ay may mga balahibo pa kaya parang totoo.

“Mga laruan lang ito, Mahinhin. Huwag kang matakot.’’

“Diyos ko, akala ko totoo! Natakot po ako.’’

“Parang totoo kasi.’’

“Kukunin ko po kasi ang mga pampahid ko sa mukha nang makita yan.’’

“May tumakot sa’yo. Inilagay dito para ka matakot”

“Sino po kaya ang nag­lagay niyan.’’

“Isang tao lang naman ang may lihim na galit sa iyo rito. Alam mo na kung sino yun.’’

“Si Nectar po?’’

Tumango si Sir Juan.

(Itutuloy)

Show comments