TINAGURIANG “human suction cup” ang Amerikanong si Jamie Keeton dahil dumidikit ang kahit anong bagay sa kanyang balat. Resulta ito ng isang kakaibang kondisyon ng kanyang balat na kanyang nadiskubre mga dalawang dekada na ang nakararaan.
Napansin na niya ang kakaibang abilidad noong siya ay bata pa ngunit ang akala niya noon ay resulta lang ito ng kanyang mahilig na pag-akyat ng mga puno. Akala kasi ni Jamie ay dahil lang sa dagta mula sa mga puno kaya dumidikit ang mga bagay sa kanyang balat.
Saka lang niya nalamang may kakaiba siyang kondisyon nang minsang nagpakalbo siya at idinikit ang bote ng softdrinks sa kanyang ulo upang siya ay malamigan. Nagkataong nanood siya noon ng baseball kaya bigla siyang napatayo upang saluhin ang tumalsik na bola mula sa isang homerun. Nang hindi niya ito nasalo ay naalala niya ang bote ng softdrinks na hawak-hawak niya.
Ang hindi pala niya napansin ay nanatili itong nakadikit sa likuran ng kanyang ulo nang bitawan niya ito upang saluhin ang baseball. Nakita ito ng ilan sa mga taong kasama niyang manood at nagtawanan silang lahat.
Ipinasuri niya sa doktor ang kanyang balat at napag-alamang may kakaiba siyang kondisyon kaya nagiging katulad ng galamay ng mga octopus ang kanyang balat na humihigop ng mga bagay na napapadikit sa mga ito. Hindi naman sigurado ang doktor sa kung anong sanhi ng pagkakaroon ni Jamie ng kakaibang kondisyon sa kanyang balat lalo na’t wala naman siyang sakit at nasa mabuti siyang kalusugan.
Noong una ay ikinakahiya pa ni Jamie ang kanyang kakaibang kondisyon ngunit nang lumaon ay natutuhan na rin niya itong pakinabangan at pagkakitaan. Ngayon lumalabas na siya sa mga programa sa telebisyon at sa mga malalaking pagtitipon kung saan ipinapakita niya ang kakayahan ng kanyang balat. Minsan ay binabayaran din siya ng mga kompanya upang idikit ang kanilang mga produkto sa kanyang ulo. Marami na rin ang nakakakilala sa kanya, kaya naman masaya na siya ngayon sa pagkakaroon ng balat na may kakaibang kondisyon.