Ang Facebook ay kapakipakinabang kung ginagamit ito upang kumunekta sa mga kaibigang matagal nang hindi nakikita. Pero marami ang umaabuso sa paggamit sa Facebook at ito ang mga dahilan kung bakit natatamad na akong magbukas ng aking account.
1—Ginagamit ito para ipagdiinan na relihiyon nila ang mabuti at tama ang mga aral kaysa iba. Para mapagtibay na relihiyon nila ang pinakadakila sa lahat, kanyang titirahin ang relihiyong bugbog na bugbog sa pintas, ang Romano Katoliko.
2—Mga posts na malabo pero agaw-pansin. Halimbawa: A) Please pray for me. B) Akala mo mayaman, wala rin naman. C) Meron ba diyan na puwedeng makausap? Gusto ko nang mamatay. Hu-hu-hu.
Tapos kapag inulan ng tanong, deadma. Walang response. Doon sa #3 example ako napahalakhak. Sabi ko, aba, bagong gimik. May hu-hu-hu pa. Hindi natupad ang kagustuhan niyang mamatay. Buhay na buhay pa rin siya ngayon at nakakapag-post pa rin seksing-seksi niyang selfie araw-araw.
3—Humble na pagyayabang. Halimbawa: My God, salamat po. Kahit ako hindi matalino, naipasa ko pareho ang entrance test sa UP at Ateneo. Litong-lito ako!
4—Adik sa “like”. Inaasahan niya na kapag nag-post siya ng pictures, ito ay uulanin ng “likes”. Sa mga hindi nag-react, magpaparinig ng ganito: Salamat sa FB friends na nag-aaksaya ng kanilang panahon na mag-appreciate sa aking mga ipino-post. Parang isang obligasyon na i-“like” ang lahat ng kanyang posts.
Isang araw, ia-unfriend ko ang mga taong ito para naman maging kasabik-sabik nang buksan ang aking FB account. Hindi ko lang magawa ngayon dahil abala pa ako sa aking mga trabaho. Marami kasi sila.