SABI ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Sec. Joseph Emilio Abaya, bago raw bumaba si President Aquino sa Hunyo 30, 2016 ay idedeliber lahat ang mga plaka ng sasakyan, lisensiya ng driver at pati na rin ang mga karagdagang tren para sa Metro Rail Transit at mga pampasaherong bus para sa EDSA. Kayang-kaya raw niyang ideliber ang mga nabanggit bago matapos ang termino ni P-Noy.
Limang buwan na lamang sa puwesto si P-Noy at tila mapapasubo si Abaya sa mga pinangako. Anim na taon nga si P-Noy sa puwesto pero wala siyang gaanong naipamalas na husay sa DOTC at ngayong limang buwan na lang ang natitira ay saka siya mangangako. Sabagay mabilis lang namang mangako at sanay na ang mamamayan sa kanyang pangako. Ang isang tiyak, matupad man ang pangako niya sa mga idideliber na lisensiya, plaka, tren ng MRT at bus, balewala na rin sa mamamayan.
Nakaukit na sa isipan nang marami ang masamang serbisyo ng Land Transportation Office (LTO) na walang maideliber na lisensiya sa mga nagre-renew at bagong aplikante. Sumisingil sila ng fee para sa mga ito pero hindi nila mabigay sa takdang oras. Sa nakaraang administrasyon, ang mga nag-renew ng lisensiya ay nakukuha agad ito. Hindi na pinaghihintay.
Marami ring nagbayad sa bagong license plate (P450) pero hindi rin nila maideliber. Singil sila nang singil sa mga mga may-ari ng sasakyan pero hindi pala kayang ideliber. Kung hindi nila kayang ideliber, huwag nang maningil. Lalo lamang sinisira ng LTO ang kanilang imahe sa ginagawang pagkaatrasado ng mga lisensiya at plaka.
May maniniwala kaya kay Abaya na maidedeliber ang mga lisensiya at plaka bago matapos ang termino ni P-Noy. Wala na! Kailangan ang himala bago mangyari ang kanyang sinasabi. Ang isang tiyak, marami ang matutuwa sapagkat matatapos na rin ang kanyang pamamayagpag sa ahensiya. Bakasakali, may pagbabago kung iba ang nakapuwesto.