Alok ng isang restaurant sa US: Libreng pizza sa loob ng isang taon, upang mahuli ang magnanakaw

SAWA na ang isang restaurant sa Chicago, USA sa sunud-sunod na pagnanakaw kaya naisipan nitong magbigay ng isang kakaibang pabuya para sa sinumang makakatulong sa pagkakadakip sa salarin ng pinakahuling panloloob na nangyari sa kanilang establisimento.

Sa halip kasi na salapi ay libreng pizza sa loob ng isang taon ang iniaalok ng Kaos Pizzeria sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon ukol sa lalaking magnanakaw na nakuhanan sa CCTV.

Ayon sa may-ari ng nasabing restaurant na si Patrick White, nakapasok ang magnanakaw sa restaurant sa pamamagitan ng isang bintanang nasa likuran ng kanilang gusali. Pagkapasok ay saka dumiretso ang magnanakaw sa mga cash register kung saan nakakuha  siya ng $1,000 (humigit-kumulang P47,800). Pangatlo na itong panloloob sa Kaos Pizzeria sa loob lamang ng ilang buwan.

Nababahala na si White lalo na nang mapansin niya sa surveillance video na parang wala lang sa magnanakaw ang paglabas-masok sa kanyang restaurant. Ayon sa kanya, bumabagsak na ang morale ng kanyang mga empleyado kaya minabuti na niyang gumawa ng paraan na makakatulong sa pagkakahuli sa salarin upang kahit papaano’y maibalik ang kapanatagan ng kanilang mga kalooban.

In-upload ni White ang video ng panloloob sa Internet upang mas marami ang makatulong sa paghuli sa kriminal at upang mas malaki rin ang tsansang may mananalo ng libreng pizza sa loob ng isang taon.

Show comments