SA kabila nang napakalamig na klima sa Ukraine, isang lalaki roon ang 10 taon nang naglalakad nang walang sapin sa paa.
Sinimulan ni Andrzej Novosiolov ang laging paglalakad niya nang nakayapak isang gabi noong Pebrero 2006. Naiinitan siya noong gabing iyon kaya naisipan niyang hubarin ang kanyang suot sa paa at maglakad nang nakayapak sa snow.
Nagustuhan ni Andrzej ang lamig sa kanyang talampakan kaya inulit-ulit niya ang paglalakad na walang suot na anuman sa kanyang mga paa. Noong una ay nasasaktan pa ang kanyang paa sa matinding lamig ngunit nagawa na ring matagalan ito. Nang lumaon, dumating na ang puntong kaya na niyang maglakad nang buong araw sa labas ng bahay na walang suot sa kanyang paa.
Ayon sa kanya, nagagawang matiis ng kanyang paa ang nagyeyelong temperatura sa pamamagitan ng paglalakad nang mabilis. Sa pamamagitan nito ay naiiwasan niyang mag-yelo ang kanyang mga talampakan.
May mga pagkakataong nasusugatan naman ang mga paa ni Andrzej dahil sa mga bubog sa daan. Hindi naman niya hinayaang maging hadlang ito dahil determinado siyang ituloy ang kanyang pagyayapak lalo na noong malaman niyang may isang taga-Russia na nakayapak rin palagi.
Noong una, nahihiya pa ang kanyang mga kapamilya sa kanyang ginagawa ngunit nang tumagal ay tinanggap na lang nila ito. Hindi na rin pinapansin ang kanyang pagyayapak sa kanyang trabaho dahil wala namang dress code ang mga computer programmer na katulad niya.
Ngayon ay dadalawa na lang ang kanyang natitirang kasuotan sa paa. May isa siyang pares ng tsinelas at ang mga ito ay isinusuot lamang niya kapag pinipigilan siya ng mga guwardiya na sumakay ng tren dahil siya ay nakayapak. May isa rin siyang pares ng sapatos at ginagamit niya lang ito kapag negative 15 degrees Celsius na ang temperatura dahil malaki ang tsansang mapuputulan siya ng paa dahil sa frostbite kung maglalakad siya sa labas ng bahay nang nakayapak.