Gayuma

NAGTATAKA ako kung bakit ganoon na lang ang pagkahumaling ng aking kamag-anak sa babaing palengkera na kapitbahay nila. Noong una ay crush siya ng babae. Pa-charming dito, pa-charming doon ang ginawa ng babae pero wa epek sa aking kamag-anak. Nang itanong ko kung bakit walang epekto ang paglalandi sa kanya ng babae, ang sagot sa akin ay—“Ang pangit na, palengkera pa. Laging may kaaway na kapitbahay.”

Lumipas ang ilang buwan nahalata kong nagiging magiliw na ang aking kamag-anak sa babae hanggang aminin ni Kamag-anak na magsyota na sila. Super “taka” talaga ang umatake sa akin. Sa totoo lang, talagang kahit saang anggulo ko tingnan ang babae ay wala akong makitang “ganda”. Samantalang si Kamag-anak, kahawig ni Paulo Avelino.

Sa bandang huli, nagwagi ang babaing “chaka”. Pinakasalan siya ni poging Kamag-anak. Noong una’y matamis ang kanilang pagsasama pero sa bandang huli ay umasim. Lumabas ang tunay na kulay ng babaing “chaka”. Masama na ang mukha ay masama pa rin ugali. Isang araw ay nahuli ni Kamag-anak ang pangit na asawa na nakikipaglampungan sa ibang lalaki sa loob mismo ng kanilang kuwarto. Nakow, parang eksena sa pelikula, umaatikabong suntukan ang nangyari sa pagitan ni Kamag-anak at kalaguyong lalaki. Ang ending, pinalayas ni Kamag-anak ang asawang “chaka”. Pero bali naman ang balakang ng kawawang kamag-anak dahil nasipa siya rito ng kalaguyo ng asawa.

After 3 years super taka na naman ako, nagkabalikan si Kamag-anak at ang asawang “chaka”. Napaisip tuloy ako, ‘no bang meron ang pangit na ito at haling na haling sa kanya si Kamag-anak? Nagkasakit si Kamag-anak ng ilang taon. Nag-demand ang chaka sa mga kapatid ni Kamag-anak na suwelduhan siya sa pag-aalaga ng kanyang asawa or else, lalayasan niya si Kamag-anak. E, pikon na pikon na ang mga kapatid sa masamang ugali ng babaing “chaka” kaya sumagot ang mga hipag at bayaw ng “Lumayas ka kung gusto mo!” Lumayas nga ang hitad. Ang mga kapatid na lang ni Kamag-anak ang nag-alaga sa kanya.

Tuwing hapon, nag-iiyak si Kamag-anak, hindi makatulog at hindi makakain. Hinahanap niya ang “chakang” asawa. Marami ang nagtaka sa naging attitude ni Kamag-anak, bakit ganun na lang ang pagkahumaling niya sa babaing iyon na hindi naman naging mabuting asawa sa simula pa lang ng kanilang pagsasama? May isang albularyo na nakapagsabi na ang mga sintomas na ipinakikita ni Kamag-anak ay palatandaan na ginayuma siya ng asawa. Ilang buwan ding ginamot si Kamag-anak para tanggalin ang epekto ng gayuma.

Isang araw ay biglang dumating ang babaing “chaka”. Nagkataong may ginagayat si Kamag-anak na karne pananghalian nila. Nang lumapit ang “chaka” ay biglang ibinato ni Kamag-anak ang kutsilyo sa asawa sabay sabing, “Walanghiya ka, lumayas ka. Ayoko nang makita ang pangit mong mukha!” Kumaripas ng takbo ang babae…takot na takot. Success ang panggagamot na ginawa kay Kamag-anak, natanggal na ang epekto ng gayuma.

Show comments