LAGANAP na ang illegal drugs sa Metro Manila at maraming lugar sa bansa. Malaking problema ito at hindi dapat balewalain ng mga awtoridad. Sunud-sunod ang pagkakadiskubre sa mga bodega ng shabu sa maraming lugar sa Metro Manila. Dati ay sa mga apartment na nasa isang subdibisyon ginagawa at itinatago ang mga shabu pero ngayon ay nag-level up na ang drug syndicate at sa condominium na iniistak ang mga ito.
Gaya nang nadiskubreng shabu sa isang condo sa Sta. Cruz, Maynila noong Huwebes ng madaling araw kung saan nakakumpiska ng 36 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P256 milyon. Naaresto naman ang isang dating intelligence officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang abutan ito ng mga operatiba sa lugar kasama isang Chinese. Itinanggi naman ng opisyal ang paratang at sinabing naroon siya dahil sa isang lehitimong operasyon. Nakapiit ang opisyal makaraang sampahan ng kaso.
Noong nakaraang linggo, 36 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng milyong piso ang nadiskubre sa isang warehouse sa Valenzuela City at naaresto ang dalawang Tsinoy drug traffickers. Kasunod niyon ay ang pagkakaaresto naman sa dalawa pa ring Tsinoy drug traffickers sa Magsaysay Blvd. kanto ng Araneta Avenue sa Maynila. Nakumpiska sa kanila ang 30 kilos ng shabu na milyong piso rin ang halaga.
Sabi ng isang opisyal ng drug enforcement agency, dadagsa pa ang shabu bago ang Chinese New Year sa Pebrero. Nag-iipon umano ng pera ang mga Chinese drug traffickers at ang shabu ang pinakamabilis pagkakitaan.
Ang talamak na paglaganap ng illegal na droga sa Metro Manila ay dapat nang makaalarma sa mga mambabatas. Isulong na nila ang pagbabalik ng death penalty at gawing eksklusibo lamang sa drug traffickers. Ang parusang kamatayan ay may malaking impact para malutas ang drug trafficking. Magkaroon na ng matigas na paninindigan laban sa mga “salot”. Mabigat na ang problema ng bansa sa illegal na droga.