BUWISIT, nababanas at inis ngayon si dating MRT3 General Manager Al Vitangcol sa media.
Tungkol ito sa naungkat na umano’y anomalya sa transaksyon ng Metro Rail Transit na nagtulak sa kaniya para mag-resign noong 2014.
Ito ‘yung umano’y pangingikil ni Vitangcol sa Czech Company ng $30 million kapalit ng kontratang P3.7 bilyones bilang supplier sa kagamitan ng mga tren.
Dahil naging matunog ang kaso at maituturing “high-profile case” ang isinampang graft case laban sa kaniya, media ngayon ang napagbuntunan niya ng sisi.
Kinu-kwestyun ang paglalabas ng mga balita na nauukol sa kaniya. Simple lang naman daw siyang indibdwal subalit bakit ang kaso naging “high profile.”
Kung ano-anonng pangangatwiran ang sinasabi para mapagtakpan ang kaniyang kapalpakan at katarantaduhan.
Walang pinagkaiba sa kaniyang dating amo sa Malakanyang na naglagay sa kaniya sa pwesto. Pareho sila ng pag-uugali. Puro pagtuturo ng sisi sa media kapag negatibo na ang balita.
Ang media, nagsisilbing mata at tainga sa lipunan. Kaya nga tinawag na Fourth estate. Naturalmente, kung ano ang mga nakikita at naririnig, ‘yun ang isusulat at ilalabas na mga balita.
Bagama’t mayroong mga tiwali sa hanay ng media tulad sa iba ring mga tanggapan, ibang usapan na yan.
Hoy, hoy, hoy, Kenkoy na Vitangcol! Kung mayroon ka mang dapat sisihin, ‘yun ay ang sarili mo lang.
Kung naging sentro ka man ng pangit na publisidad, tumingin ka sa salamin. ‘Yun ang dapat mong sisihin.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.