Pinakamalaking maze sa mundo na gawa sa snow, bubuksan na sa Poland
ISANG dambuhalang maze ang nakatakdang buksan sa Zakopane, Poland. Hindi lang ito isang pangkaraniwang maze dahil gawa ito sa snow kaya siguradong lalamigin ang sinumang maligaw sa loob nito.
Ang maze, na planong buksan bukas (January 23), ay ang pinakamalaki sa buong mundo sa lawak nitong 2,500 square meters. Doble ito ng laki ng Arctic Glacier Ice Maze na matatagpuan sa Buffalo, New York at dating pinakama-laking maze sa mundo na gawa sa snow ayon sa Guinness World Records.
Medyo naging mahirap ang paggawa ng maze ayon sa nag-disenyo nito na si Darek Pytlik. Sa unang bahagi ng pagtatayo ng maze ay kinailangan ng 40 mga mountai-neers na magtipak ng 60,000 ice cubes na isa-isa nilang hinulma pagkatapos. Sinimulan nila ang konstruksyon noong Nobyembre ngunit naging mainit ang panahon noong Disyembre kaya kinailangan nilang tumigil ng pansamantala. Nagsimula na lamang uli sila pagkatapos ng Pasko nang lumamig na ulit ang panahon.
Hindi naman daw kailangang mangamba ng mga bibisita sa maze kung sila ay maliligaw dahil marami namang makikitang attractions sa loob na ikalilibang nila. Matibay rin ang pagkakagawa nila rito kaya hindi nila kailangang mangambang baka gumuho ang mga pader ng maze na gawa sa snow.
- Latest