PANAHON na upang ipatigil ng Commission on Elections (Comelec) ang mga isinasagawang survey para sa mga kandidato sa 2016 national and local elections.
Masyadong nalilinlang ng mga survey ang isipan ng mga botante at nakakaapekto ito sa pasya sa pagboto.
Kung walang survey ay walang magsasabi na sila ay liyamado o sigurado ng panalo sa eleksiyon.
Dehado kasi ang mga kandidatong hindi popular lalo na kung hindi galing sa prominenteng pamilya ng mga pulitiko o mga artista.
Sa mga survey ay lamang na lamang ang mga sikat o popular at mga reelectionist o nagmula sa mga kilalang pamilya ng mga pulitiko.
Kung walang lalabas na survey sa publiko ay malaya ang mga botante na pumili ng kandidato at ang pagbabasehan ay ang mga platapormang ilalatag sa publiko sa panahon ng kampanya.
Walang masama na magkaroon ng survey sa lahat ng kandidato pero hindi na dapat itong isapubliko at gamitin ito ng mga pulitiko para maging gabay sa pangamgampanya lalo na ang mga tumatakbo sa national.
Kung talagang ang Comelec ay nais na maging patas ang eleksiyon sa bansa ay ipatigil nito ang mga paglalabas sa publiko ng resulta ng survey at mas magiging kapanapanabik ang ating eleksyon.
Kung minsan ay nag-uugat pa nga ng kaguluhan ang resulta ng survey dahil may ilang kandidato na nangunguna sa survey pero pagkatapos ng eleksiyon ay may nananalong kandidato na kulelat sa survey kung kaya may ilang akusasyon na nagkaroon ng dayaan sa halalan.
Kaya sa pagkakataong ito, nararapat na walang ilalantad sa publiko ng mga survey sa kandidato at abangan na lang nating lahat ang magiging pasya ng sambayanan sa mga nagnanais na makasungkit ng puwesto sa gobyerno.