SA unang tingin ay aakalaing isang pangkaraniwang bata lang si Olivia Farmsworth. Ngunit nagtataglay ang 7-taong gulang na bata mula United Kingdom ng isang kakaibang kondisyon na sinasabing siya lamang ang mayroon sa buong mundo.
Hindi kasi nakakaramdam si Olivia ng gutom, sakit, o pagkapagod. Ayon sa mga sumuri na sa kanya ay epekto ito ng hindi pagkakaroon ni Olivia ng isang uri ng chromosome. Posible rin na hindi makaramdam ang ibang tao ng gutom, sakit, o pagod ngunit si Olivia lamang ang tanging nilalang sa mundo ang hindi nakakaramdam sa tatlong nasabing pakiramdam nang sabay-sabay.
Minsan nang hindi natulog ng tatlong araw na sunod-sunod si Olivia kaya minsan ay kinailangan na siyang painumin ng pampatulog para lang masigurado ng kanyang mga magulang na nakakakuha ng pahinga ang kanyang katawan. Hindi rin siya mahilig kumain kaya naman hindi siya matakot ng kanyang mga magulang na hindi siya makakakain sakaling hindi niya gusto ang ulam.
Ang isa pang pagkakataon kung kailan masaksihan ng kanyang ina ang epekto ng kakaibang kondisyon ni Olivia ay nang minsan na itong nasagi ng isang humaharurot na sasakyan. Sa halip na manatili sa pagkakahandusay dahil sa sakit ay kaagad lang na tumayo si Olivia at naglakad papunta sa kanya na parang walang nangyari.
Kaya naman tinawag na siya ng mga doktor na “bionic girl” dahil hindi siya nakadarama ng sakit. Nakatulong ito sa kanyang pagkakaligtas ayon sa mga doktor dahil hindi siya nag-panic kaya hindi siya nagtamo ng mas malalang pinsala mula sa aksidente.
Sa ngayon ay plano ng mga magulang ni Olivia na ma-ngalap ng pondo para sa ibayo pang research ukol sa kakaibang kondisyon niya at plano rin nilang ikalat sa publiko ang kaalaman tungkol sa pambihirang sakit ng kanilang anak upang mas marami ang makaunawa rito.