MARAMI ang naghihimutok sa gobyerno dahil sa pag-veto ni Pres. Noynoy Aquino sa panukalang batas na P2,000 across the board increase sa pensiyon ng Social Security System (SSS).
Dahil dito, sinisilip ngayon ang napakaraming bilang ng mga opisyal ng SSS partikular ang maraming vice president sa ahensiyang ito.
Batay sa mga lumabas na ulat ay tinatayang mula P4 milyon hanggang P7 milyon ang suweldo at allowances sa isang taon ng mga matataas na opisyal ng SSS.
Masyadong nakakalula ang napakalaking suweldo at sobrang dami ng vice presidents sa SSS na isa sa pabigat sa mga gastusin.
Talagang mababankarote ang SSS kung magpapatuloy ang napakataas ng suweldo nang maraming opisyal. Bukod sa sangkaterbang vice presidents, mayroon pang mga miyembro ng board.
Sa dami ng opisyal sa SSS, wala naman silang nagawa upang mapagbuti ang performance nito dahil hindi pa nila maitaas ang koleksiyon at tila matumal na may maparusahan sa mga employer na kumolekta ng kontribusyon sa empleyado pero hindi naman naire-remit sa SSS.
Malabong mabankarote ang SSS kung babawasan ang suweldo at allowances at magbawas ng mga opisyal.
Lumilitaw kasi na nagsisilbing “milking cow” o gatasan lang ng mga opisyal ang SSS at karamihan naman dito ay maituturing na political accomodation.
Samantala, dapat imbestigahan ng mga mambabatas ang napakaluhong suweldo ng mga opisyal ng SSS at ang sangkaterbang posisyon samantalang hindi naman mapagbuti ang koleksiyon nito para lalong lumago ang pondo ng ahensiya.
Sa idinaos na press conference kahapon ng mga opisyal ng SSS sa pangunguna ni SSS President/CEO Emilio de Quiros ay dapat ipaliwanag nila sa publiko kung bakit palpak ang kanilang koleksiyon at maraming employer ang hindi napapatawan ng parusa.
Dapat bigyang katwiran o ipaliwanag nito sa publiko lalo na ng mga miyembro ng SSS ang napakalaking suweldo at allowances. Gayundin ang napakaraming vice presidents bukod pa sa miyembro ng board.