Psycho test sa taxi drivers!
Parami nang parami at halos magkakasunod ang mga inihahaing reklamo laban sa mga abusado at bastos na taxi driver.
Kaya nga plano ng LTFRB na isailalim sa psycho test ang mga ito kasabay sa pagbusisi na rin sa boundary system na ipinaiiral ng mga taxi operators sa bansa.
Aba’y sa kabila ng sunud-sunod na reklamo ng maraming pasahero na ang ilan pa rito eh talagang tinutuluyan ang mga nakakasagupang taxi drivers, patuloy pa rin ang pang-aabusado ng ilan para walang kadala-dala.
Pinakahuli yun may dala pang samurai, at sinamurai nga ang naka-engkuwentrong pasahero.
Yung isa naman, kita sa video kung paano sigawan at murahin ang kanyang babaeng pasahero na pilit na pinababa dahil sa kontrata umanong pasahe at marami pang ibang insidente.
Sa ngayon, may apat na taxi drivers ang naireklamo at nag-trending nga sa social media makaraang maka-engkuwentro at gawan ng hindi maganda ang kanilang mga sakay.
Sa pag-aaral ng LTFRB, maliit na take home pay ng mga taxi drivers ang nakikitang dahilan kaya marami sa mga ito ang nasasangkot sa pangongontrata sa mga pasahero.
Sinasabing sa ngayon, may 300 hanggang 500 ang na-te-take home pay ng isang taxi drivers sa kada 24 oras ng kanilang pamamasada. Nasa P1,800 ang kailangan nilang i-remit na boundary sa mga operator.
Lalu pa itong lumiliit dahil nga sa matinding trapik lalu na sa Metro Manila.
Ito ang nais nilang mapag-aralan, ayon kay LTFRB boardmember Atty. Ariel Inton.
Pero, magkaganunman, hindi ito kasalanan ng mga pasahero, kaya wala rin namang karapatang mag-abusado ang mga ito.
Dapat talagang matutukan din dito ang pag-uugali ng ilang bastos at abusadong taxi drivers. Hindi dapat na ang pagbalingan nila ng init ng kanilang ulo eh ang kanilang mga sakay .
Dito naman kailangan din ang matinding pagsusuri ng mga operators. Kilalanin munang mabuti at i-orient ang kukunin nilang mga driver. Tiyaking walang topak. Dapat na maging maingat din dahil buhay at kapakanan ng mga pasahero ang nakataya dito.
- Latest