MINSAN, naglalakad ako sa isang footbridge papunta sa isang malaking shopping mall sa Calamba City, nang mamataan ko ang isang lalaking may hawak na isang smartphone na kanyang ibinebenta sa mga dumaraang tao. Hindi ko alam kung anong brand iyon. Natukso akong lumapit at magtanong kung magkano. P3,000 daw. Pero puwede raw tumawad. Kung gusto ko raw, ibibigay niya ng P2,500. Pero nagkaroon ako ng agam-agam kaya lumayo na lang ako.
Ang dami kasing tanong na umiikot sa utak ko. Bakit isa lang ang smartphone na dala at itinitinda niya kung nagnenegosyo siya sa ganitong gadget? Wala naman siyang dalang bag na maaaring lamanan ng iba pang mga cell phone o smartphone na puwedeng pagpilian ng kustomer. Mas mabuti pa iyong mga naglalako ng pirated na DVD dahil marami silang dalang “bala” na puwedeng pamilian bagaman hindi rin ako pabor sa pamimirata.
Gayunman, wala namang palatandaang magbibigay ng resibo o warranty iyong lalake. Wala ring kahon na regular na lalagyan ng smartphone at wala pang recharger. Mas mahirap namang pagbintangan siya ng masama tulad ng saan galing ang smartphone na inaalok niya o kung GSM (Galing Sa Magnanakaw) ba iyon dahil walang ebidensiya. Maaaring personal na gamit niya iyon na, dahil sa matinding pangangailangan, napilitan siyang ibenta ito. Pero bakit kailangan pang sa kalsada o umakyat ng footbridge para maibenta niya ito? Ang alam ko sa mga nagbebenta ng personal na gamit, iniaalok nila ito sa mga kakilala nila o kasamahan sa trabaho o kaibigan o kaya sa mga pawnshop. Hindi sa lantad na lugar dahil, kahit paano, nakakadama sila ng pagkapahiya kung malalaman ng buong bayan na nagbebenta sila ng sarili nilang smartphone.
Nakakapagpagunita sa mga balita sa diyaryo, telebisyon, at internet hinggil sa mga nananakawan ng smartphone. Kaya parang nakakaawa sa mga biktima kung bibili ka ng smartphone sa isang kahina-hinalang nagtitinda nito. May isa ngang reporter na inireklamo ang isang tindahan ng cell phone dahil nakita niya roon ang kanyang cell phone na ninakaw.
Samantala, sa ilang bangketa tulad sa Avenida sa Sta. Cruz at Quiapo sa Manila, may ilang sidewalk vendor na nagtitinda rin ng mga smartphone na nakapatong lang sa isang pirasong mababang karton. Pero, dahil sa bangketa lang, hindi ka makakaasa na meron itong warranty at kung brand new ang gadget. Napakamura nga lang ng kanilang paninda na nakakatukso sa sino mang walang badyet para sa mga original at mamahaling smartphone na halagang limang libo pataas. Nakakagulat lang na nakakapamuhunan sila sa ganitong negosyo kung iisipin ang totoong halaga sa kasalukuyan ng ganitong mga gadget lalo na iyong itinitinda sa mga regular cell phone shop. Maaari namang may nakuha silang sapat na puhunan o nakautang sa Bombay na 5-6 para makapagnegosyo sa ganitong patok na gadget sa kasalukuyan. O baka meron naman talagang mga kumpanyang nagbabagsak ng presyo dahil sa matinding kompetisyon sa smartphone business. Malay natin.