BAGO ang kotse ng lalaki kaya naroon ang excitement na i-drive ito sa buong Metro Manila. Hindi niya napansin na sobrang bilis na ang kanyang pagpapatakbo kaya sumulpot ang isang pulis na naka-motorcycle sa kanyang hulihan. Hinabol siya at sinenyasan na tumabi at huminto.
Tumingin muna ang pulis sa kanyang relo at saka inilapit ang mukha sa bintana.
“Overspeeding! Saan ka ba pupunta sa oras na ito, alas dos na ng madaling araw? Parang pag-aari mo ang kalsada!”
“Boss, sorry, hindi ko na uulitin.”
“Pauwi na sana ako at off duty na, pero hindi ko matiis na habulin ka. Kung hindi ikaw ang maaksidente, baka ikaw ang makaaksidente dahil humaharurot ka! Okey, tutal, birthday ko ngayon, at mapagkumbaba ka naman, hindi kita titikitan kung bibigyan mo ako ng isang napakagandang excuse kung bakit sumobra ang speed mo.”
“Nilayasan ako ng misis ko at sumama sa pulis na ex-boyfriend niya. Sir akala ko, ikaw ‘yun. Nasa isip ko ay isasauli mo ang aking misis kaya hinahabol mo ako. Lalo kong pinaharurot ang aking sasakyan. Ayoko na sa babaeng ‘yun! Ano…uto-uto? Ang saya-saya na ng buhay ko, gagawin ulit impiyerno?”
Napangiti ang pulis, sabay sabing: “Sige, makakaalis ka na. Kaunting ingat lang sa pagmamaneho.”
Samantala, ang lalaki ay nagpahid ng luha pagkaalis ng pulis. Sa isip niya, akala ng pulis ay joke lang ang sinabi niya. Pero totoo ‘yun. Sumama sa ibang lalaki ang babaeng karelasyon niya, isang buwan na ang nakakalipas. Pinapasaya lang niya ang sarili kaya bumili siya ng bagong sasakyan. Ang twist lang ng kanyang true story, siya ay kabit lang ng babae at bumalik na ito sa kanyang tunay na mister at pamilya. Inaasam-asam pa rin niya na magkakabalikan sila ng babae. Langit ang buhay niya sa babaing iyon. Hindi impiyerno.