ISANG simbahang hugis sapatos at gawa sa salamin ang itinayo sa isang bayan sa Taiwan upang mahikayat ang mga kababaihan na magsimba.
Ang simbahan, na kahugis ng isang sapatos na may mataas na takong, ay matatagpuan sa bayan ng Budai na nasa sila-ngang bahagi ng isla ng Taiwan. Inabot ng dalawang buwan ang konstruksyon ng kakaibang gusali na aabot sa 55 talampakan ang taas at 36 talampakan ang lapad. Nagmukha rin itong sapatos ni Cinderella dahil gumamit ng 322 piraso ng kulay asul na salamin sa pagtatayo nito.
Bukod sa pagiging hugis sapatos ng simbahan ay may kainan din ng cake at ng iba pang matatamis sa loob nito at isang lugar kung saan puwedeng magpakuha ang mga babae na para silang ikakasal. Lahat nang ito ay sadyang inilagay sa bagong tayong simbahan upang maengganyo ang mga kababaihan na sumimba roon, ayon sa tagapamahala ng lugar na si Zheng Rongfeng.
Kamakailan lang natapos ang konstruksyon sa kakaibang simbahan na ito ngunit mayroon na kaagad mga nagtatanong kung puwede ba itong pagdausan ng mga kasal. Kaya naman sinasabihan na lang sila ng mga namamahala na sa Pebrero 8 pa bubuksan ang simbahan kasabay ng Chinese New Year.
Hindi pa rin malinaw kung anong relihiyon ang nagpatayo ng kakaibang simbahan na ito.