KAPAG ganitong malamig ang panahon, maraming kababayan natin ang nagrereklamo na madaling natutuyo ang kanilang mga labi. Nauuwi ito sa waring pagbabalat ng labi at pagbibitak. Kaya nga mas nagiging mabili ang mga lip balm sa ganitong panahon.
May mga pagkakataon na naibubuka natin ang ating bibig at biglang magsusugat ito. Malalasahan na lang natin ang dugo sa ating labi. Kahit paano, dinaramdam din natin ito. Kung magsugat na ang labi, apektado ang ating pagsasalita at pagkain. Nahihirapan tayong ibuka ang bibig o ngumiti nang todo.
“Chapping” ang tawag sa ganitong kondisyon. Masakit ito lalo na kapag malalim ang crack o bitak na iniwan sa labi.
Sa mga bansang malalamig, karaniwang nararanasan ito ng mga nakatira roon. O kung nagkataong turista ka sa naturang lugar, pati ikaw ay di napupuwera. Di lang dulot ito ng malamig na hangin, puwede ring dala to ng mainit at tuyong hangin. Sa ibang tao, hindi lamang labi ang apektado kundi pati mga daliri, kamay, at tainga.
Personal kong naranasan na magbitak ang labi nang mapunta ako sa Melbourne, Australia ilang taon na ang nakalilipas. Sa mga unang araw ko roon, maayos lang ang aking labi. Nawala sa loob ko na magpahid ng lip balm dahil nasa bansa nga akong malamig. Ngunit paglipas pa ng ilang araw, doon ko naramdaman ang waring pangangapal, pagkatuyo, pagbabalat, at pagbibitak ng aking labi.
Ano ang puwedeng solusyon dito?
Panatilihing mamasa-masa (moist) ang balat. Gumamit ng cream o lotion.
Magbaon ng mga lip balm at ipahid ito nang regular sa labi. May iba-ibang flavor ng lip balm gaya ng banana, orange, strawberry. Puwede ring gamitin ang Vaseline para sa labi upang maiwasan ang pagkatuyo at pagbibitak ng labi.
Kahit ang mga baby at bata ay hindi puwera sa kondisyong ito kaya pati sila ay dapat ding gumamit nito
Kung magbitak nga ang labi, takpan ang naturang bahagi ng labi ng gasa at lagyan ng adhesive tape upang maiwasan ang lalo pang pagkatuyo.
Kumunsulta sa doctor kapag ang bitak sa labi ay ayaw gumaling-galing at naging impektado.
Huwag dalasan ang pagsasabon ng mukha kapag malamig ang panahon. Binabawasan ng sabon ang paglalangis ng balat, kaya nagiging magalas lalo na. Gumamit ng emollient cream o baby lotion kesa sabon sa paglilinis ng mukha.
Mas manunuyo ang balat kung gagamit ng maligamgam na tubig sa paghihilamos. Iwasan muna ito pansamantala.
• • • • • •
Happy birthday sa aking dakilang ina na si Mrs. Librada Palasigue-Gatmaitan ng Talavera, Nueva Ecija (at Concord, New Hampshire, USA) sa January 18. Siya ay kasalukuyang nasa bansa para ipagdiwang ang kanyang kaarawan. Dati siyang principal ng IEMELIF Learning Center sa San Ricardo, Talavera, Nueva Ecija. We love you, Nanay. May the Lord’s favor and guidance be upon you always.