KUNG dati kilos-suso sa paglabas ng pondo ang Department of Budget and Management, ngayon singbilis ng kidlat.
Enero palang nobenta porsyento na raw ang nai-release sa P3.002 trilyong budget ngayong 2016.
Mismong si DBM Sec. Florencio Abad ang nagkumpirma, naibigay na sa mga departamento ang pondo.
Ang dahilan, para raw mapabilis ang implementasyon ng mga mahahalagang proyekto partikular sa mga imprastruktura.
Wala namang masama kung mabilis sila sa pagbibigay ng pondo. Ang problema, napaghahalataan ang kanilang motibo.
Hindi naman sa namumulitika ako, si Abad ay kaalyado ng Liberal Party ni Pangulong Noy Aquino.
Sa malisyosong pag-iisip, eleksyon na kasi kaya nagkukumahog na ang mga kulay dilaw kung saan kukuha ng milyones na gagamiting makinarya sa pangangampanya. Hindi ako nag-aakusa.
Tulad ng matagal ko nang sinasabi sa BITAG Live maging sa kolum kong ito, gustong makita ng tao kung saan napupunta ang bilyones na pondo taon-taon.
Anong mga proyekto, saang mga probinsya at rehiyon, magkano ang nakalaan at kung kailan matatapos.
Hindi ‘yung nangangapa ang taumbayan sa dilim dahil sadyang itinatago ng mga nakaupo kung saan napupunta ang pondo.
Patuloy ang paghamon ng BITAG Live sa pamahalaan partikular sa DBM. Ilabas ang mga listahan ng mga programa, aktibidad at proyekto ng gobyerno kaakibat ang kanilang allotment funds.
Ewan ko ba kung ang mga nangangasiwa at namamahala sa ating bansa sadyang nagbibingi-bingihin lang, salat sa kaalaman o sadya talagang sangkaterbang palpak lang.
Kayo na ang bahalang bumalanse.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.