Roxas, sasalo sa galit ng SSS pensioners
DISMAYADO ang mga pensiyonado ng Social Security System (SSS) dahil sa desisyon ni Pres. Noynoy Aquino na tutulan ang pagtataas ng P2,000 across the board ng buwanang pensiyon.
May mga dahilan ang Presidente sa pagtutol sa panukalang dagdag pensiyon subalit hindi ito mauunawaan ng taumbayan lalo na ang mga direktang makikinabang sana sa dagdag benepisyo sa pensioners.
Para sa kaalaman ng lahat, napakaliit ng pensiyon ng mga miyembro at hindi nakakasapat sa pangangailangan ng mga pensionado na karamihan ay senior citizen na.
Dahil sa aksiyong ito ng Presidente, magsisilbi siyang kontrabida at tiyak na uulanin ng batikos mula sa iba’t ibang sektor at sasamantalahin ng mga kritiko.
Karamihan sa reaksiyon ng mamamayan ay ilang buwan na lang at aalis na sa Malacanang ang presidente, dapat gumawa na sana ito ng mga kabutihan tulad ng dagdag na benepisyo.
Pero nangyari na ito at asahan na ang galit sa Presidente ay tatagos sa kandidato ng admi-nistrasyon na si Mar Roxas.
Hindi makakaiwas si Roxas sa galit ng publiko dahil ang kanyang plataporma ay ipagpatuloy ang mga programa at nagawa ng Aquino administration.
Pero sa desisyong pagtutol sa dagdag na pensiyon, muling ipinakita ng Presidente na hindi ito nagpapapogi para magpasya sa bisa ng unpopular decision.
Ang realidad nga lang ay totoong apektado ang kandidatura ni Roxas at lalo pang mababawasan ang boto nito dahil sa pagtutol sa dagdag pensiyon ng SSS pensioners. Hindi lang si Roxas ang maaring tamaan maging ang iba pang kandidato ng Liberal Party na sasabak sa May 9, 2016 elections.
- Latest