TATLONG taon na ang nakakaraan ay napansin ng gobyerno sa Japan na hindi na ginagamit ang Kami-Shirataki train station sa Hokkaido kaya napagpasyahan nilang ipasara na lang ito upang makatipid sa gastusin ng pamahalaan.
Ngunit ayon sa isang kuwentong umikot sa social media kamakailan, hindi natuloy ang pagpapasara ng Kami-Shirataki Station nang malaman ng gobyerno na may nag-iisang babaing high school student na sumasakay at bumababa sa nasabing station.
Kaya naman minabuti ng gobyerno na huwag na munang isara ang train station at sa halip ay panatiliin itong bukas hanggang Marso ng 2016 kung kailan inaasahang magtatapos ang estudyante sa high school. Simula noon ay dalawa na lang ang tren na dumadaan sa station at ang pagdating ng mga ito ay nakaayon na sa oras ng pagpasok at pag-uwi ng estudyante mula sa school.
Mabilis na naging viral ang kuwento na tinatayang nai-“share” na ng 5,700 beses sa Facebook at na-“like” na ng higit sa 22,000 na katao. Marami ang namangha sa kuwento na para sa marami ay nagpapakita ng halagang ibinibigay ng gobyerno ng Japan sa edukasyon ng kanilang mga kabataan. May isa pa ngang nagsabi na hindi siya magdadalawang isip mamatay para sa kanyang bansa kung katulad ng estudyante sa kuwento ay dadayuhin pa siya ng malayo ang pamahalaan para lang masiguradong makakapasok siya ng paaralan.
Higit sa lahat, kumalat ang kuwento dahil ipinakikita nito ang halimbawa ng mabu-ting pamamahala kung saan ang bawat mamamayan ay pinahahalagahan ng gobyerno.