Malaking halaga ng shabu na umaabot sa mahigit sa P180 milyon ang nasabat ng pinagsanib na pwersa ng PNP-Anti Illegal Drugs Group (AIDG) at PDEA sa Valenzuela City.
Dalawang Tsinoy ang nadakip sa naturang operasyon kung saan nga aabot sa 37 kilo ng shabu ang nasamsam. Karamihan sa mga ito ay nakatago sa 12 heavy duty turret milling machine na galing pa sa China sa isang bodega sa Narciso St. Brgy. Lawang Bato sa naturang lungsod.
Ito ang modus na gamit ngayon ng ilang sindikato at nakapagtataka na papaano nakakalusot ang mga ipinapasok na droga na inilalagay sa naturang mga machine.
Ayon sa mga awtoridad, ang operasyon ay bahagi ng mas pinatinding kampanya laban sa mga high value target, gayundin sa mga international drug syndicate na nasa likod ng operasyon ng ilegal na droga.
Aba’y sa dami ng nasabat na ilegal na droga, kung hindi ito na -operate at tuluyang kumalat sa kung saan-saang lugar, ilang buhay na naman ang maaaring masira dito. Ilang karumal-dumal na krimen na naman ang maaaring maganap dahil sa mga drogang ito.
Posible pa rin ngang may mga naikalat na, sa bahagi ng mga nasamsam na droga dahil abandonado na ang nasabing bodega.
Hindi dapat tumigil ang mga kinauukulan sa pag-ooperate sa ganitong mga aktibidades.
Kailangan din sa panahong ito ay matututukan naman ang narco-politics dahil nga sa nalalapit na eleksyon.
Sinasabing may ilang din politiko na sinasabing sumasangkot sa ganitong gawain, para makakuha ng pondo na gagamitin sa kanilang pangangampanya kaugnay sa nalalapit na eleksyon.