EDITORYAL – May gun ban pero patuloy ang patayan
NAGSIMULA na noong Linggo ang election period kaya bawal na ang pagdadala ng baril. Tanging ang Presidente, Bise Presidente, mga senador, kongresista at law enforcement agencies gaya ng pulisya at mga sundalo ang exempted sa pagdadala ng baril. Maliban sa kanila ay wala nang dapat magdala ng baril sapagkat mahigpit na ipinagbabawal alinsunod sa batas na pinaiiral kung panahon ng election. Mahaharap sa mabigat na kaso ang mahuhulihan ng baril.
Alinsunod sa batas, maglalagay ng checkpoint ang Philippine National Police (PNP) para masiguro na walang makalulusot na baril. Magsasagawa ng pag-iinspeksiyon pero ayon sa patakaran ng Comelec. Sa unang araw ng gun ban, 14 katao ang naaresto. Ayon sa PNP, mayroon silang 1,661 check point sa buong bansa para madaling maisaayos ang pagpapatupad ng mapayapang election sa Mayo 9. Sinisiguro ng PNP na walang sinumang sibilyan ang makapagpapalusot ng baril. Mahuhuli umano agad sila sapagkat nakaalerto ang PNP.
Pero ang pahayag ng PNP ay tila taliwas sa nangyayaring krimen sapul nang ipatupad ang gun ban. Maraming krimen na isinagawa at ang gamit ay baril. Paano nakalusot ang baril?
Kahapon, nakunan ng CCTV ang pagbaril sa isang lalaki sa Taguig. Walang anumang nilapitan ang lalaking bumibili ng fish ball at harapang binaril. Kahit nakabulagta at nangingisay, binalikan pa ng gunman at binaril uli. Sinigurong patay ang lalaki.
Nasaan ang PNP checkpoint?
- Latest