“BOOKKEEPER po ako Sir Juan,” sabi ni Mahinhin. “Di po ba ‘yun ang sinabi ko sa’yo noong nag-inquire ako sa boarding house mo. Hindi po ako nagsisinungaling. Talaga pong bookkeeper ang trabaho ko.’’
Naguluhan si Sir Juan.
“Hindi ka nude dancer?’’
“Hindi po! Hindi ko po kaya ang maghubad.’’
“Pero sino ang nasa pictures na ipinakita sa akin ni Nectar?’’
“Mga kamukha ko pong dancer na iyon. Actually po, dalawa ang kamukha kong dancer dito. Kunwari po mga kolehiyala o coed sila. Kamukha ko nga po ang nakunan ng picture. Hindi ko po kayang magsayaw nang hubad Sir Juan.’’
“Pero bakit hindi mo ipinaglaban kay Nectar na hindi ikaw ang nasa picture at kamukha mo lang.’’
“Natakot nga po ako. Grabe po talagang mam-bully si Nectar. Hindi ko po kayang lumaban, Sir Juan. Mukha pong palaban talaga si Nectar.’’
Napatango si Sir Juan. Tama si Mahinhin, palaban nga si Nectar. Kapag inaakalang kakayanin ang kapwa, tatakutin talaga. At dahil mabait si Mahinhin, nagpasya na lang umalis.
Naniniwala na si Sir Juan kay Mahinhin. Nagsasabi ito ng totoo.
Pero marami pa rin siyang gustong malaman dito.
“Tanong ko lang Mahinhin, kung ikaw ay bookkeeper, saan ka nag-oopisina?”
“Nakita mo po ba ang kuwarto na dinaanan mo bago ka nagpunta rito? Yun pong may computer at printer at saka maraming nakatambak na papeles? Dun po ako nagtatrabaho bilang bookkeeper.’’
“Sino naman ang nagpasok sa’yo rito bilang bookkeeper?’’
“May dati po akong prof na nagrekomenda sa akin sa may-ari nitong KOLEHIYALA. Tinanggap po ako. Kayang-kaya ko naman ang trabaho. Naisasara ko ang libro ng KOLEHIYALA. Ang bilin lamang po sa akin ng may-ari, kung magkakaroon ng raid, dito ako sa basement magtago. Wala raw nakaaalam nito. Nagtataka nga po ako kung paano mo natuklasan ang secret na lungga. Lagi pong nakakandado ang pinto ng lungga sa itaas.’’
“Hindi naman nakakandado ang pinto. Kaya nga dito ako nagpunta.’’
“Nakapagtataka!’’
“Well, siguro ay talagang nakatadhanan na dito ako mapunta para malantad ang katotohanan. Akalain mo, dito pala tayo magkikita.’’
“Pero hinahanap mo ako Sir Juan?’’
“Oo.’’
“Bakit po?’’
“Ha? A e basta hinahanap kita. Naaawa ako sa’yo, Mahinhin.’’
(Itutuloy)