DAPAT agad na ireporma ng Comelec ang kanilang desisyon na pagpapairal ng gun ban na nagsimula noong January 10 at magtatapos sa June 8, 2016 kaugnay ng election period.
Dehado kasi sa election gun ban ang mga lihitimo at responsableng gun owners na sumunod sa batas.
Sa ngayon ay halos lumusot sa butas ng karayom ang gun owners lalo na sa napakahigpit na proseso sa fireams license at permit to carry outside residence.
Hindi biro ang napakaraming requirements ng PNP sa mga nagnanais na magmay-ari ng legal tulad na lang ng napakara-ming clearances ang hinihingi mula sa NBI, PNP, korte at iba pa.
Samantalang ang mga kriminal ay puwedeng magdala ng baril anumang oras upang gumawa ng krimen samantalang ang mga pribadong gun owner na nais lamang protektahan ang sarili o ang iba ginagawa itong sport.
Mabuti na lang at kahapon ay naghain ng petisyon ang gun owner in action na isang grupo ng mga nagmamay-ari ng lihitimo at lisensiyadong baril upang obligahin ang Comelec na tumanggap ng application para sa gun ban exemption.
Dapat lang naman maglabas ng gun ban exemption ang Comelec sa mga pribadong gun owner na karapat-dapat at wala namang naging kaso kaugnay ng paghawak ng baril.
Ang madalas lang kasi mabigyan ng exemption ay mga matataas na opisyal ng gobyerno at pulitiko.
Moro-moro rin naman ang pag-recall o pagbawi ng mga tauhan ng PNP sa mga pulitiko na nagsilbing bodyguard.
Maibabalik din naman tiyak ang mga bodyguard ng mga ito basta’t nakapagpaalam na sa Comelec.
Samantala, sana ay agad na maglabas ng desisyon ang Korte Suprema sa petisyon laban sa election gun ban.