NIRATRAT ng armadong kalalakihan ang bahay ng retiradong pulis na si PO3 Jesus “Jun” Laurel bago pumasok ang Bagong Taon. Mabuti at hindi nabuksan ang gate ng bahay ni Laurel kaya hindi nagtagumpay na paslangin siya ng mga umatake sa kanya. Subalit nasugatan si Laurel sa magkabilang paa. Siyempre, kunyari hindi abot ni Sr. Supt. Arthur Felix Asis, ang hepe ng Taguig police, kung sino ang nagtangka sa buhay ni Laurel na kareretiro lang. May nakuhang basyo at slug ng shotgun at M16 Armalite rifle sa crime scene, tama ba ako katotong Mike Frialde? Ang ginawa ni Asis ay binigyan ng police protection si Laurel kaya’t guwardiyado na ang bahay ng huli. Sinabi ni Asis na maaaring pulitika ang motibo dahil may planong tumakbong barangay chairman si Laurel. Punyeta! May tinatakpan lang si Asis, ayon sa mga kosa ko.
Nakita kasi sa CCTV footage ang pag-atake sa bahay ni Laurel sa Barcena St., cor. Zone 2 at Sumali St., sa Barangay Central Signal. Sa dalawang video footage na nakunan ng GMA 7, makikita ang mga armadong lalaki na dumating na sakay sa isang puting SUV sa harap ng bahay ni Laurel at pinaulanan ito ng bala ng halos isang minuto ng bandang alas 11:15 ng gabi o bago mag-Bagong Taon. Kaya ang gate, sasakyan at bintana ng bahay ni Laurel ay may mga tama ng bala subalit sa kabutihang palad, ni isa mang miyembro ng pamilya ay hindi tinamaan dahil nakatakbo kaagad sila sa loob ng bahay. Si Laurel naman ay nakapagtago sa isang sementong poste bago makatakbo rin sa loob. Ayon sa TV report, aabot mahigit 20 basyo ng bala at slugs ang nakuha sa crime scene. Nagtaka si Laurel kung sino ang nagbanta sa kanyang buhay at sa tingin niya pulitika bunga sa plano n’yang tumakbo nilang barangay chairman sa kanilang lugar sa darating na Oktubre. Aniya, matatapang ang mga armadong kalalakihan bunga sa 200 metro lang ang layo ng bahay niya mula sa police precinct. Punyeta! Ang akala ng mga kapitbahay, eh paputok lang dahil sa New Year ‘yaon pala ay mga bala na ang umulan sa paligid nila. Mabuti at walang nadamay sa kanila, di ba mga kosa?
Sino si Jun Laurel? Sinabi ng mga kosa ko sa Southern Police District (SPD) na si Laurel ang kolektor ng lingguhang intelihensiya sa anumang sugal ni Asis sa Taguig City. Kapag gustong pumasok ng gambling financier sa hurisdiksiyon ni Mayor Lani Cayetano, kailangan mo ng go signal ni Laurel. Hindi lang kay Asis naging kolektor si Laurel kundi maging noon pang ibang mga hepe ng pulisya. Sinabi ng mga kosa ko na noong kapanahunan ni jueteng financier Elmer Nepomuceno mabait si Laurel subalit bago siya magretiro ay nagkasungay siya. May mga tsismis pa na mismong si Laurel ay naging financier ng mga sugal tulad ng bookies, lotteng at video karera sa Taguig kaya marami siyang naapakan sa pag-solo nya. ‘Ika nga, maraming unit ang nalibre niya sa intelihensiya. Totoo kaya ang balita na may pinasok din na ibang ilegal na negosyo si Laurel at marami siyang na-estafa? Punyeta! Masalimuot ang kaso ni Laurel ah! Ano sa tingin n’yo mga kosa? Tumpak!
Kaya magsisilbing leksiyon sa mga tong kolektor ang kaso ni Laurel, lalo na ‘yaong hindi magandang makipag-usap o makipagrelasyon sa mga players o kabaro nila. Sa pagretiro ng mga pulis na tong kolektor kasi tiyak may kalalagyan sila dahil bawas na ang kinang nila. Get’s n’yo mga kosa? Ilan na bang tong kolektor ang natigbak bunga sa matigas na ulo at kayabangan nila? Eh di ko na halos mabilang, di ba mga kosa? Sa tingin ko naman kilala ni Laurel ang mga armadong lalaki dahil mamumukhaan n’ya ang mga ito kahit pa na medyo malabo ang kuha ng CCTV footage. At t’yak magkaroon ng tumbahan sa Taguig sa susunod na mga araw. Ano sa tingin mo Col. Asis Sir? Abangan!