Tinuluyang sampahan ng kaso ang taxi driver na si Roger Catipay ng kanyang naging pasaherong babae.
Kasong threat at slight physical injuries ang kinakaharap nitong kaso.
Si Catipay ang nag-viral sa social media ang video kung saan hinaharas at galit na galit ito sa pasaherong si Joanna Garcia dahil sa hindi umano ibinigay ng huli ang napagkasunduang pasahe.
Trauma ang inabot ng kanyang pasahero, na kita naman sa kuha ng cellphone video.
Nag-ugat ito dahil sa umano’y pangongontrata ni Catipay sa kanyang mga pasahero, na hindi na pumayag ang huli kundi ang sinabi sa kanya ni Garcia ay ibaba ang metro.
Pagdating sa pupuntahan, siyempre ang ibabayad niya eh kung ano yung nasa metro, na ito ang ikinagalit ng driver na si Catipay.
Hindi raw sumunod sa usapan si Garcia, na itinatanggi naman ng huli na nakipagkasundo siya sa kontrata.
Alam ba ninyong, may ganitong modus ang maraming mga pasaway at bastos na taxi driver. Kahit alam nila na hindi pumapayag sa kontrata ang kanilang pasahero, pagdating sa paghahatiran doon na ihaharas hanggang sa matakot at tuluyang magbayad sa gusto nilang halaga ang kanilang sakay.
May ilan pa, kunwari nakakalimutang ibaba ang metro, pagbababa na ang sakay sasabihan na lang na bahala na ito, nakalimutan niya ang metro.
Wala tuloy nagiging basehan ang pasahero kung magkano ang kanyang ibabayad at kapag nagbigay ng hindi nagustuhan ng pasaway na driver doon siya na ang magpepresyo.
Doon nay an kunwari magagalit at tatakutin ang pasahero hanggang sa magbayad na lang sa gusto nito.
Sa mga ganitong estilo, dapat na maging alerto ang mga pasahero para hindi maloko.
Maging babala na rin ang pangyayari sa mga abusadong driver na hindi sa lahat ng oras ay walang papatol sa inyo.
Maging leksyon na rin ang mga ganitong insidente sa mga operator na dapat na maging mapanuri sa mga kukunin nilang driver . Kilatising mabuti hindi lamang sa kapakanan ng mga magiging pasahero nito kundi pati na rin sa maayos ninyong negosyo.