MAS madalas nating marinig ang terminong “anemia.” Kapag anemic, sinasabing kulang sa pula ang dugo. Mababa ang hemoglobin level dahil sa kakulangan ng red blood cells. Pero may isang kondisyon na bihira nating marinig at ito ay ang kabaligtaran ng anemia: ang sobrang produksyon naman ng red blood cells ng katawan. Polycythemia Vera (kung bigkasin ay poli-say-tim-ya vera) ang tawag dito, isang disorder sa mga selulang nagpupundar ng dugo doon mismo sa utak ng ating buto (bone marrow).
Ang labis na pagdami ng mga red blood cells (RBCs) ay nagbibigay-daan sa pagdami rin ng volume ng dugo sa katawan kaya lumalapot ang dugo. Nagiging mabagal tuloy ang pagdaloy ng dugo lalo na kung dadaan ito sa mga maliliit na ugat ng katawan. Bihirang makita ang kondisyong ito sa mga taong wala pang edad 20. Kadalasan ay may edad ang nagkakaroon nito. Mas maraming kalalakihan din ang nagkakaroon nito kaysa mga kababaihan. Ano ang sanhi? Hanggang ngayon ay nananatiling di-tiyak kung ano ang sanhi.
Ano ang mga karaniwang sintoma ng pagkakaroon nito?
Kadalasan, wala itong sintoma kahit pa ilang taon nang meron nito ang isang tao. Kung may mapapansing sintoma, ito’y kadalasang panghihina, pagkahapo, pananakit ng ulo, pakiramdam na magaan ang ulo, medyo kinakapos ng konti ang hininga, at pamamawis sa gabi (night sweats). Puwedeng apektado ang paningin: nakakakita ang pasyente ng mga “flashes of light” o “bind spot.” Minsan, may pagdurugo sa gilagid. Mas matagal rin ang pagdurugo kahit sa konting hiwa lang. Mapapansin rin ang pamumula ng mukha (dahil nga sa pagkaipon ng RBCs). Posibleng may maramdaman ding pag-iinit (burning sensation) sa mga kamay at paa. Nandiyan din ang pakiramdam na nangangati matapos maligo.
Sa ibang tao, pati ang bilang ng platelets sa sirkulasyon ay tumataas din. Ang platelets ay mga blood cells na nagdudulot nang pag-ampat ng pagdurugo. Puwedeng lumaki ang atay at pali (spleen) dahil nagsisimula na ring magpundar ng blood cells ang mga ito. Lumalaki ang pali kasi’y pilit nitong binabawasan ang dumaraming RBCs sa sirkulasyon ng katawan.
Madalas ay natutuklasan lamang ang Polycythemia vera sa isang routine blood test. Sa ginagawang CBC (Complete Blood Count), mapapansing sobrang taas ang level ng tinatawag na “hematocrit.” Ang hematocrit ay tumutukoy sa dami ng RBCs sa kabuuang sirkulasyon ng dugo sa katawan.
Kailangan ng gamutan para rito. Kung sa anemia ay nagbibigay tayo ng Iron tablets o blood transfusion kapag sobrang maputla na, dito naman ay binabawasan natin ang dami ng red blood cells sa katawan. Nagbabawas tuloy tayo ng dugo mula sa katawan ng taong may Polycythemia vera. Phlebotomy ang tawag sa proseso ng pagtatanggal ng dugo sa katawan (na parang katulad din ng ginagawa kapag nagdo-donate ng dugo ang isang tao). Kapag naging normal na ang level ng hematocrit, bilang maintenance ay kailangang bawasan ng dugo ang pasyente kada ilang buwan depende sa pangangailangan. Dahil posibleng tumaas ang bilang ng platelets dahil sa phlebotomy, may gamot na ibinibigay upang supilin ang pagdami ng red blood cells sa katawan. Nakatutulong din ang baby aspirin para pababain ang panganib ng pagkakaroon ng blood clots sa katawan.
• • •
Pagbati kay Tito Manny Ney ng Paco, Manila. Masugid na tagasubaybay ng aking kolum si Tito Manny. Matagal siyang naglingkod bilang manager ng isang branch ng Metrobank. Happy New Year po.