Sa darating na Linggo, Enero 10 ipapatupad na ng Commission on Elections (Comelec) ang gun ban kasabay sa pagsisimula ng election period para sa nalalapit na halalan sa Mayo.
May mga inilabas na rin silang guidelines na ipapatupad ng PNP at AFP sa mga pagbabantay sa mga Comelec checkpoint tungkol sa gun ban.
Kaya hindi dapat na magtaka ang ating mga kababayan, kung masusumpungan na naman nila sa maraming lugar ang mga checkpoints, ito po ay bahagi sa ipatutupad ng gun ban kaugnay sa halalan.
Pero dapat na matuto at malaman ng bawat isa ang mga panuntunan sa checkpoints.
Katulad ng dati, ang checkpoint ay kailangang ilagay sa maliwanag na lugar, hindi tulad sa nasumpungan sa mga nakalipas na nasa dilim kaya nga ang sinisita kadalasang hindi tumitigil dahil sa takot na baka nga naman hindi ito mga awtoridad kundi masasamang loob. Layunin din ng nasa liwanag ang checkpoint ay para makilala nga ang mga unipormadong awtoridad.
Kasama sa panuntunan ang pagiging magalang ng mga awtoridad sa mga motorista at pagrespeto sa karapatan ng mga ito.
Eto ang dapat ding tandaan hindi lang ng mga awtoridad, kundi maging ng mga motorista.
Bawal na bawal na pababain ng behikulo ang mga motorista at tanging visual search lamang ang maaari sa behikulo. Maaring gumamit ng flashlight sa pagse-search ngunit hindi na kailangan pang buksan ang pintuan ng sasakyan.
Wala ring sinuman ang dapat na sailalim sa physical o body search ang walang sapat na rason.
Wala rin naman umanong dapat na ikatakot ang motorista sa mga dadaanang checkpoint, kung wala naman talaga silang ilegal na itinatago, dapat rin naman na makipagtulungan ang mga ito para na rin sa kaayusan.
Bukod sa checkpoint kailangan na rin na ngayon pa lamang eh ma-operate na ng awtoridad ang nagkalat na mga loose firearms. Ito ang nakakaalarma lalu na nga’t paparating na ang campaign period na dito, naitatala ang mga karahasang may kinalaman sa halalan.