The Price of Freedom
NAKIUSAP ang goldfish sa taong nagmamay-ari sa kanya na palayain na siya sa kinalalagyang aquarium. Inalis ang goldfish mula sa nilalanguyang aquarium, maya-maya ay namatay ito.
Pinalaya ng babae ang kanyang alagang ibon mula sa kulungan nito. Lumipad palabas ng bahay ang ibon hanggang sa makarating sa himpapawid. Namataan siya ng malaking lawin at sa isang iglap ay inalmusal ang pinalayang ibon.
Gustong mamuhay mag-isa ni Trina. Pinoy sila na na-bigyan lang ng pagkakataong manirahan sa US. Gaya-gaya siya sa kanyang mga Amerikanang kaklase na may sariling apartment. Nagmamaktol, kaya kahit 18 years old lang ay pinagbigyan ng mga magulang. Pagkalipas ng isang taon ay isa na siyang single mom. Sa halip na nag-e-enjoy sa buhay bilang teen-ager at nasa paaralan, kayod kabayo siya ngayon sa paghahanapbuhay para may maipambili ng gatas para sa kanyang baby.
Nakaalpas mula sa kanyang pagkakatali si Spot, ang una at huling aso na aming inalagaan. Nakaabot ito sa kung saan-saang lugar hanggang sa maispatan siya ng mga lasenggo. Sa isang iglap ay naging pulutan si Spot.
- Latest