Mga kandidato, magpaliwanag sa gastos sa TV ads

MARAMING butas ang batas hinggil sa paggastos ng mga kandidato kahit pa hindi nagsisimula ang pormal na kampanya sa 2016 elections.

Sa apat pa lamang na presidential candidates, mahigit sa P1.6 billion na ang ginastos sa television advertisement simula Janua­ry hanggang November 30, 2015 ayon sa monitoring ng Neilsen Philippines.

Nanguna si Vice President Jejomar Binay at sinundan ito ni Senator Grace Poe at Mar Roxas samantalang malayong pang-apat si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pinakamalaking ginastos sa patalastas sa telebisyon.

Kung hindi man makakasuhan at walang pananagutan sa batas ang nasabing mga kandidatong presidente ay makabubuting magpaliwanag ito sa publiko.

Sina Binay, Poe at Roxas ay gumasta ng halos tig-kalahating bilyong piso ng television advertisement bago pa man magsimula ang campaign period sa February 9 samantalang March 25 pa sa lokal.

Dahil dito ay makakabuting boluntaryong magpaliwanag sa publiko ang mga kandidatong ito hinggil sa kanilang ginastos sa TV ads.

Unang-una ay ipaliwanag ng mga ito kung saan nanggaling ang pondong ginastos at saan pa kukunin ang pondo sa pagsisimula ng pormal na kampanya.

Bagamat may lusot ang mga ito sa batas sa sobrang gastos sa eleksiyon, karapatan ng mamamayan na malaman ang detalye ng pinagkukunan na pondo ng mga kandidato.

Sa laki ng ginastos ng mga kandidato ay papaano nila mababawi sakaling manalo sa eleksiyon? Samantalang napakaliit lang naman ng kanilang suweldo bilang presidente.

Bukod sa presidential candidates ay marami rin na iba pang kandidatong bise presidente at senador ang gumastos ng milyong piso at dito ay muling napatunayan na hindi uubra ang mga walang perang kandidato kahit pa kuwalipikado at walang bahid ng katiwalian.

Show comments