EDITORYAL – Kailan mauubos ang kontrabando sa NBP?
KAHAPON ay muli na namang hinalughog ang mga dormitoryo sa New Bilibid Prisons (NBP) at marami na namang nasamsam na cell phones, appliances, gadgets, sex toys at mga matatalas na bagay. Ito ang ikawalong pagsalakay na sinimulan pa noong Oktubre. Ang paghalughog ay isinagawa ng BuCor personnel.
Nang salakayin noong nakaraang buwan ang mga dormitory, natuklasan na maraming cell phones sa drawers ng jailguards. Nagkaroon ng pag-iinspeksiyon sa tanggapan ng jailguards at natagpuan doon ang iba’t ibang cell phones na pinaniniwalaang pag-aari ng inmates. Sabi ng jail guards, bahagi raw iyon ng mga nakumpiska sa mga nakaraang raid at hindi pa naiimbentaryo. May pagdududa naman si NBP head Supt. Richard Schwarzkopf.
Walang katapusan at wala na yatang pagkaubos ang mga kontrabando sa NBP. Parang balon na hindi maubusan ng tubig.
Nang magsagawa ng unang search operations sa dormitoryo ng Commando at Sigue-Sigue Sputnik gangs noong Oktubre, nadiskubre ang mala-armory sa loob. Maraming matataas na kalibre ng baril, sangkatutak na bala para sa shotgun at iba’t ibang uri ng bladed weapons. Ang mga baril ay ibinaon sa suwelo. Nang tungkabin ang mga tiles, natambad ang mga baril na kinabibilangan ng UZI, shotgun, calibers .45 at 38. May mga baril pang nakabaon sa barya para hindi mahalata. Sabi ng NBP official, mas marami pa raw baril ang inmates kaysa kanilang jail guards. Bukod sa mga baril at bala, nakakumpiska rin ng drug paraphernalias. Patunay din ito na laganap ang negosyo ng shabu sa loob.
Nang muling salakayin makalipas ang isang linggo ang mga dormitory, marami na namang nakumpiskang mga armas na matataas ang kalibre. Marami ring nakumpiskang bala at mga matatalas na bagay – kutsilyo, itak, gunting at iba pang patalim na gawa sa kutsara at tinidor.
Kahit araw-arawin ang pagsalakay sa mga dormitoryo marami pa rin ang makukumpiska, indikasyon na may nangyayaring corruption kaya naiipasok ang mga kontrabando.
Corrupt ang jail guards kaya naiipasok ang mga kontrabando. Pinakamagandang solusyon ay tanggalin ang jail guards at palitan ng mga sundalo. Bakit hindi ito gawin ng NBP? Mapapagod lamang sila sa kakahalughog sa mga dormitoryo at paulit-ulit din ang pagpapasok ng mga kontrabando.
- Latest