MAKALIPAS ang dalawang araw, muling nagtungo si Sir Juan sa KOLEHIYALA. Malakas ang kutob niya na nasa KOLEHIYALA pa si Mahinhin. Kahit hindi niya nakikita sa mga grupo ng babaing nagsasayaw, hindi siya nawawalan ng pag-asa na makikita ito. Ngayong nadiskubre na niya na si Nectar ang nasa likod ng pagkuha ng mga pictures sa pamamagitan ni Gringo, tiyak na ito rin ang dahilan kaya bigla-biglang umalis sa bahay. Wala naman siyang sinasabing umalis ito pero nalaman na lamang niyang wala na pala ito. Palagay niya, tinakot ni Nectar si Mahinhin. Maaaring ipinakita ni Nectar ang mga picture naunang kinuha ni Gringo. Pero bakit agad siyang umalis e hindi naman siya ang nasa picture. Baka sa sobrang pambu-bully ni Nectar ay napilitan na lamang umalis si Mahinhin. Kawawa naman. Saan na kaya nakatira si Mahinhin?
Isa pang pinagtataka ni Sir Juan, kung dancer si Mahinhin gaya nang sabi ni Nectar, bakit hindi niya ito makita. Pawang kamukha ni Mahinhin ang nakikita niyang nagsasa-yaw. Maaaring napagkamalan ni Nectar na si Mahinhin ang nagsasayaw at iyon ang pinakunan niya kay Gringo. Napahinga nang malalim si Sir Juan. Malaking pagkakamali ang nagawa ni Nectar. Kinawawa si Mahinhin. At siguro, kaya nagawa ni Nectar iyon ay dahil sa matinding pagseselos. Malaki kasi ang pagkagusto sa kanya ni Nectar.
Ngayon ay matinding paghahanap kay Mahinhin ang gagawin niya sa KOLEHIYALA. Hindi siya aalis ngayong gabi na hindi nakikita si Mahinhin.
Pasado alas siyete siya pumasok sa KOLEHIYALA. Marami nang customer. Araw kasi ng suweldo. Nasulyapan niya ang babaing nagsasayaw sa entablado. Tinitigan niya. Hindi iyon si Mahinhin. Kilala niya si Mahinhin.
Nakita siya ng kaibigang waiter. Isang mesa sa sulok at malayo sa entablado ang ibinigay sa kanya. Umorder siya ng isang beer at mani.
“Sir tawagin mo ako kapag may kailangan ka,” sabi ng waiter.
“Sige.’’
Makaraan ang isang oras, nagtungo sa CR si Sir Juan. Paglabas niya, mayroon siyang napansin sa dakong kaliwa, malapit sa CR. May isa pang room doon.
(Itutuloy)