“Baoy”. Hindi ko alam kung saan nagmula ang salitang ito. Hindi ko rin alam kung ito ay original Tagalog word. Basta’t lagi kong naririnig ang salitang ito tuwing may away na nangyayari sa aming angkan. Ang ibig sabihin ng baoy ay pagsumbat sa mga bagay o pabor na naibigay.
Halimbawa ay may ikinagalit ang isang kamag-anak sa aking ina o ama, biglang mambabaoy ang mga ito ng mga bagay na naibigay niya o kaya ay naitulong mula nineteen kopong-kopong hanggang sa kasalukuyan. Bata pa lang ako noon pero unawang-unawa ko na kapag nagdayalog ang aking ama’t ina ng— “O, ayan, binaoy na naman tayo. Hayyy, kailan kaya tayo makakawala sa pambabaoy ng mga iyan. Tuwing magagalit ay iisa-isahin ang mga pabor na naibigay na ng matagal na panahon.”
Minsan ay nangutang ang isang kamag-anak sa akin pero hindi ko pinagbigyan dahil may utang pa ito sa akin na hindi nababayaran. Kagaya ng dapat asahan, nagtampo ito. Nagsumbong sa isang kamag-anak. Wala raw akong utang na loob samantalang tinulungan nila ang aking ama noong ito ay isang dakilang tambay lang. Sadyang ipinarating ang panunumbat sa akin. Napaawa ako sa aking ama. Matagal nang humalo ang katawan sa lupang kinalibingan nito pero hindi pa rin makawala sa pambabaoy ng kamag-anak.