Kulebra: Masasakit na butlig sa katawan

ANG kulebra ay isang pangkaraniwang sakit ng mga may edad at mga taong mahina ang immune system. Ang medikal na tawag dito ay Herpes Zoster o shingles sa Ingles.

Ang kulebra ay nanggagaling sa isang virus (varicella-zoster virus) at ito rin ang virus na nagdudulot ng chickenpox o bulutong tubig sa mga bata.

Paano nakukuha ang kulebra? Noong bata pa tayo, nagkaroon muna ng bulutong tubig. Kapag gumaling na ang bulutong ay mananatili pa rin ang virus sa ugat o nerve ng tao. Sa ating pag-edad ay puwedeng magising muli itong virus at magdulot naman ng kulebra. Madalas makita ang kulebra sa mga pasyenteng edad 50 pataas. Ayon sa mga survey, 50% ng mga taong umabot na sa edad 85 ay nagkaroon na ng kulebra.

Bilang paghahambing, ang mga butlig ng chickenpox ay nakikita sa buong katawan. Ngunit ang butlig ng kulebra ay nakatuon lamang sa isang parte ng katawan. Makikita ito na nakalinya at magkakasama. Kadalasan, lumalabas ang kulebra sa parte ng balakang, sa leeg o sa malapit sa mata.

Bukod sa butlig, ang pangunahing sintomas ng kulebra ay ang pananakit ng mga butlig. Magkakaroon ng tubig sa loob ng butlig. At pagkaraan ng ilang araw ay puputok ang mga butlig na ito at magiging tuyo, mapula at mag-uumpisa nang mangati.

Kapag tumigas na ang mga butlig ay hindi na nakahahawa ang pasyente. Ngunit habang nag-uumpisa pa lamang ang kulebra ay puwede itong makahawa sa ibang tao kaya lumayo muna sa iba.

Gamot sa kulebra:

1. Magpatingin sa doktor kapag kayo ay nagka-kulebra. Kapag tumubo ang kulebra sa tabi ng mata, magpatingin din sa isang espesyalista sa mata.

2. Kapag maaga kang magpapatingin sa doktor, puwede kang bigyan ng gamot (tulad ng Acyclovir o Valacyclovir) na maaaring magpabilis ng iyong paggaling. May kamahalan nga lang itong mga gamot.

3. Kapag mahapdi masyado ang kulebra, puwedeng uminom ng mga pain relievers tulad ng paracetamol tablet o mefenamic acid capsule.

4. Huwag putukin ang mga butlig at baka ito magkaroon ng impeksyon.

5. Maghanda ng isang litrong tubig at lagyan ng 1 kutsaritang asin. Ibuhos ang solusyon na ito sa lugar ng butlig. Pagkatapos ay dampi-dampian ang mga butlig para matuyo.

6. Palakasin ang iyong katawan. Magpahinga at matulog ng sapat. Uminom din ng isang multivitamin tablet bawat araw.

Good news po. May bakuna nang naimbento para mabawasan ang tsansang magkaroon ng kulebra. Binibigay ito sa mga taong edad 60 pataas. Ang tawag dito ay varicella-zoster vaccine. Kung may perang pambili, magpaturok na nitong bakuna. Tandaan lamang na bawal magpabakuna ang mga taong kasalukuyang may sakit, mahina ang katawan at may kulebra na. Ang bakuna ay bilang pag-iiwas o prevention lamang. Good luck po.

Show comments