NOONG bisperas ng Pasko, namataan ng mga taga-Toyama Bay ang isang kakaibang tanawin sa dagat.
Kitang-kita nila ang paglitaw ng isang dambuhalang pusit na namalagi ng ilang oras malapit sa baybayin bago ito bumalik sa kailaliman ng karagatan. Lumanguy-langoy pa ito sa ilalim ng mga bangka ng mga mangingisda kaya marami ang nakakita rito.
Naglakas-loob ang diver na si Akinobu Kimura na lumusong sa tubig malapit sa higanteng pusit kaya nakuhanan pa niya ito ng video.
May haba itong 12 talampakan.
Ayon kay Kimura ay mukha namang nasa magandang kalusugan ang higanteng pusit at sinubukan pa nga nitong ipulupot ang mga galamay nito sa kanya. Pagkatapos ng ilang oras ng pakikisalamuha sa pusit ay si Kimura na mismo ang gumabay sa pusit paalis ng baybayin at pabalik sa karagatang tahanan nito.
Walang nakakaalam kung paano at bakit napadpad ang higanteng pusit sa baybayin ng Toyama. Wala rin kasing masyadong kaalaman ang mga siyentista ukol sa mga higanteng pusit dahil 2012 lang nang unang makuhanan ng litrato ang mga misteryosong lamang dagat na mga ito.