EDITORYAL – Magkaroon ng fireracker zone at tips sa mga naputukan

SIMULA Disyembre 21 hanggang 29, umabot na sa 131 ang mga nasugatan dahil sa paputok, ayon sa Department of Health (DOH). Habang papalapit ang pagdiriwang ng Bagong Taon, nadadagdagan ang mga nagkakaroon ng injuries --- pagkaputol ng daliri, pagkabulag at pagkalapnos ng mukha at leeg. Karaniwang mga bata ang biktima at piccolo ang kanilang sinindihan at sumabog sa kamay. May mga naputukan nang damputin ang piccolo na inakalang walang sindi.

Panawagan ng DOH sa publiko na huwag nang magpaputok at gumamit na lamang ng torotot at iba pang bagay na lumilikha ng ingay. Mas ligtas iyon kaysa paputok.

Sabi pa ng DOH ang maikling sandali ng kasiyahan sa paputok ay maaaring maging habambuhay na pagdurusa. Kapag naputol ang daliri o kamay, hindi na ito maibabalik.

Isang paraan para mapigilan ang mga insidente mula sa paputok ay ang pagkakaroon ng isang lugar o firecracker zones. Kung may firecracker zones sa bawat barangay, mababawasan ang mapuputulan ng daliri, kamay, mabubulag, malalapnos at masusunog ang mukha. Ang firecracker zones ay magiging atraksiyon din sa mga turista at maaaring kumita ang bansa sa kanilang pagdagsa.

May mga payo si Dr. Willie Ong, columnist ng Pilipino Star NGAYON at PangMasa (PM) sa mga naputukan:

• Hugasan ng tubig gripo ang sugat sa loob ng 10 minuto. Linisin ang sugat gamit ang sabon at tubig. Gumamit ng alkaline soap tulad ng Perla o Dove.

• Puwedeng tapalan ng kitchen wrap o cling wrap ang nasunog na parte para hindi ito ma-impeksyon. Huwag tapalan ng madikit na tela o tape.

• Kung may pag-durugo, diinan ang sugat (apply pressure) ng 10 minutes hanggang sa tumigil ang pagdurugo.

• Dalhin ang pasyente sa ospital. May iba pang puwedeng ibigay sa ospital tulad ng bakuna laban sa tetanus, antibiotics at pag-tahi ng mga sugat.

• Kung may naputol na daliri, kunin agad ang naputol na daliri at ilagay ito sa plastic bag na may yelo. Dalhin agad sa ospital at baka maidugtong pa ito.

• Kapag nakakain ng paputok ganito ang gawin: Pakainin ang pasyente ng hilaw na egg white. Sa mga bata, pakainin ng 6 egg white. Sa mga matatanda, bigyan ng 10 egg white. Makatutulong ang egg white sa pagbawas ng pinsala ng paputok. Kung hindi gusto ang lasa ng egg white, dagdagan ng orange juice o soft drinks. Huwag pasukahin ang pasyente. Baka magsugat ang lalamunan niya.

• Dalhin sa ospital para sa tamang gamutan. Huwag bigyan ng oxygen at baka sumabog pa ang paputok.

Show comments